ni Jeff Tumbado | December 24, 2021
Isang British national ang pinagnakawan ng hindi pa natutukoy na grupo ng
mga kalalakihan habang ito ay namamahagi ng relief goods sa apektado ng Bag-
yong Odette sa Negros Oriental.
Nakilala ang biktima na si Graham Beard, residente ng Dumaguete City. Batay sa naiparating na sumbong sa pulisya, nangyari ang insidente kamakalawa, matapos magtungo si Graham sa Bgy. Dos sa lungsod ng Bais para mamahagi ng mga pagkain at inuming tubig sa mga residente roon.
Bago ang pangyayari, dinadagsa umano ng mga residente sa lugar ang ibinibigay na mga pagkain at tubig ni Graham mula sa kanyang sasakyan kung saan ay maayos naman ang ginagawang relief operations nito. Maya-maya pa ay isang grupo ng kalalakihan ang nagsilapitan na at pauntiunting lumalapit sa likuran ni Graham at makailang beses na kumuha ang mga ito ng pagkain.
Matapos umano ang pamamahagi ay dito na napansin ni Graham na nawawala ang kanyang pitaka.
Sinubukan pa umanong hanapin ang pitaka nito sa loob ng kanyang sasakyan subalit hindi na nito nahanap at nagtungo na sa himpilan ng pulisya para i-report ang insidente.
Napag-alaman sa ulat na may ilang mga nakakita sa ginawang pagnanakaw ng isang lalaki na kabilang sa grupo.
Tinutukoy na ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng mga suspek.
Comments