top of page
Search
BULGAR

For adults only

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 24, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Malayo pa ang World Adult Day ngunit araw-araw, tayong mga hindi na bata ay

patuloy sa pag-a-“adulting,” na neolohismo o makabagong salita simula nitong nakaraang dekada na namayagpag, salamat sa social media.


Nakahiligan ng mga nasa edad 20s o 30s ang paggamit ng salitang ito sa pagharap sa mga bagay na hindi nakagawian ngunit kailangang kayanin bilang nasa hustong gulang.


Kabilang na rito ang pagkayod upang makatanggap ng suweldo para sa sarili at sa pamilyang binubuhay. At ang makakamit na sahod ay pambayad sa mga gastusin gaya ng pagkain, bill ng tubig at kuryente, upa sa tinitirhan, kautangan at samu’t saring nakalululang bayarin.


Kasama na rin dito ang pagkalinga at pag-aaruga sa mahal sa buhay, sa ina at ama,

kapatid o iba pang kamag-anak, o maging kaibigan na tila wala sa huwisyo o napagdamutan ng kapalaran.


Tatak ng pagiging isang adult ang masinsinang pag-iisip at pagdedesisyon sa hindi

iilang matitimbang na bagay na makaaapekto sa kasalukuyan o kinabukasan; mga relasyong dapat pagnilay-nilayan kung nararapat bang palawigin o putulin base sa tinatahak nitong landasin.


Gayundin, ang adulting ay nananawagan ng kakayanan ng isang taong tumugon sa

napakaraming pangangailangan kahit walang ibang matatakbuhan. Kahit nariyan pa ang

mga magulang, lolo o lola, tiyuhin at tiyahin, ninong at ninang, kapitbahay o katrabaho ay kailangang humarap sa mga suliranin o sigalot na dulot ng pagsasanib-puwersa ng mundo at tadhana nang walang kasama’t kakampi maliban sa sarili.


Hindi madali ang pagiging isang adult. Marami ang gustong manatiling bata sa isip at diwa, sa pangangarap at pag-asa upang magkaroon ng lakas para sumagwan sa daloy ng buhay nang hindi nakakalimot sa kung ano ang tama at nararapat.


Marami sa atin ang pinipiling mahirapan sa lahat ng larangan at aspetong pinapasok sa

buhay para maging mahusay, maging mabuti, para maging tapat. Habang may ibang

pinipiling padaliin ang mga bagay-bagay at manamantala sa kapwa, mayroon pa ring

pinipiling tingalain ang kalangitan at iangat ang sarili mula sa kawalan ng moralidad at

prinsipyo.


Sa dakong huli, magbubunga at hahantong sa mas kaaya-aya, mas matamis at kagila-gilalas ang mga bagay na tapat na binubuno, ganap na pinaghihirapan, at walang pag-aalinlangang pinagpapaguran. Saan mang larangan ng ating buhay — sa pangarap na

hanapbuhay, sa kasiya-siyang trabaho, sa kinagigiliwang sports, o maging sa minimithing katuwang o inaasam na lalim ng relasyon o pakikipagkapwa.


Walang shortcut o pinadaling paraan sa pagkamit ng tunay, malalim at

pangmatagalang tagumpay na hindi matitinag kailanman ng anumang unos at sama ng

panahon.


Sa kabila ng pinaghalong tapang at takot, kusa at kaba sa pakikipagsapalaran sa bawat

umaga ay magagawa pa ring maging tunay at tapat sa kapwa — bilang kapamilya man o

kaibigan, balikat na puwedeng iyakan o paghingahan ng dinaramdam, o kababayang

nagmamalasakit sa bayan. Ang pagiging isang tunay na adult o nakatatanda ay isang

biyayang dapat maipamuhay ng may saya at saysay, hindi panghihinayang.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page