ni Anthony Servinio @Sports | January 25, 2024
Kasalukuyang ginaganap ang kampo ng Philippine Football National Team sa Chula Vista, California para sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Indonesia. Kabuuang 27 pangalan ang ipinatawag ng Philippine Football Federation (PFF) para sa ensayo na nagsimula noong Enero 22 at tatagal hanggang 31.
Pinangungunahan ang listahan ni forward Nina Mathelus na lumikha ng pitong goal sa limang laro sa qualifiers kasama ang bihirang hat trick o tatlong goal kontra Guam noong Abril 22, 2023. Ang iba pang forward ay sina Isabella Preston, Kieran Bradley, Marika Chua, Jael Marie Guy at Alexa Pino.
Binubuo ang midfield nina Francesca Alberto, Jirelle Boutros, Natalie Collins, Louranie Evangelista, Kendyll King, Tea Pidding, Sophia Saludares, Adrielle Salvador at Ava Villapando. Ang mga defender ay sina kapitana Ariana Markey, Geline Dizon, Anna Medalla, Caidy Nelson, Maxine Pascual, Dahlia Placino, Luna Rivera, Aiselyn Sia at Lauren Villasin habang ang mga goalkeeper ay sina Samantha Hughes, Leah Bradley at Xoey Tamparong.
Ang head coach ay si Sinisa Cohadzic. Patuloy din ang pagiging manager ni Jefferson Cheng. Pagkatapos ng kampo sa California ay lalahok ang Filipinas sa MIMA Cup sa Espanya mula Pebrero 5 hanggang 8 laban sa Inglatera, Scotland at Sweden. Ang Women’s Asian Cup ay mula Abril 7 hanggang 20 sa Indonesia kung saan ang unang tatlo ay kakatawanin ang Asya sa 2024 FIFA Under-17 Women’s World Cup sa Dominican Republic sa Nobyembre.
Samantala, nagpapalakas ang Stallion Laguna FC para sa 2024 Philippines Football League (PFL) at pinapirma nila ang mga bagong import midfielder Theo at Juan Stifano at goalkeeper Alfredo Cortez at midfielder Spencer Galasa na naglaro noon para sa Maharlika Manila at Manila Digger.
Comentários