top of page
Search
BULGAR

Food security, ligtas at komportableng buhay para sa lahat

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 15, 2023

Sa mga nakalipas na taon, nasaksihan natin ang mabigat na epekto na dulot ng pandemyang COVID-19 sa ating bansa -- sa ekonomiya, sa kalusugan at sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino.


Sa harap ng mga hamong ito, ating inaasahan na pagtutuunan ng pamahalaan ang isang inclusive recovery na may puso at malasakit para sa lahat, lalo na para sa mga mahihirap at sa mga higit na nangangailangan ng kalinga mula sa gobyerno.


Bilang kinatawan n'yo sa Senado, tayo po ay may malalim na pag-asa at optimismo na magpapatuloy ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa paglulunsad at pagpapatupad ng mga pro-poor initiative. Sana rin ay maipagpatuloy ang mga magagandang nagawa ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungo sa mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat.


Sa mga unang taon ng kanyang pamumuno, ating nasaksihan ang malasakit ni Pangulong Marcos at ng kanyang administrasyon sa ating mga kababayang mahihirap. Sa patuloy na pagsulong ng ating ekonomiya, sana ay siguruhin talaga na walang Pilipino ang maiiwan.


Sa nalalapit niyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), naniniwala tayo na mahalaga ang usaping food security. Kailangang ituring natin ito bilang isang prayoridad palagi para maiwasan na may magutom na pamilyang Pilipino.


Isa rin sa ating inaasahan sa paparating na SONA ay ang patuloy na implementasyon ng Philippine Development Plan ng administrasyon, na may eight-point agenda na naglalayong makamit natin ang food security, mapabuti ang pamamahala ng ating supply chain, mabawasan ang gastusin natin sa energy at mapanatili ang ating energy security, at mabawasan ang economic vulnerabilities sa bansa na idinulot ng pandemya o iba pang krisis.


Inaasahan ko rin ang patuloy na prayoridad ng gobyerno sa mga isyung pangkalusugan, pagpapalakas sa ating social protection, pagtataguyod ng imprastruktura, at paghihikayat ng entrepreneurship sa bansa.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, makaaasa kayo sa aking patuloy na pagsusulong sa layunin nating pangkalusugan. Isa na rito ang ating naipasa na Regional Specialty Centers Act na ating ini-sponsor at isa sa mga may-akda sa Senado, at ngayon ay naghihintay na lamang ng pirma ng Pangulo upang maisabatas.


Isa po itong paraan para mailapit natin ang mga serbisyo medikal sa ating mga kababayan na mahihirap lalo na sa malalayong lugar. Halimbawa, sa ngayon, ‘yung may sakit sa puso, kailangan pa nilang magpaopera sa Metro Manila sa Philippine Heart Center. Kapag mayroon na tayong Regional Specialty Centers, magkakaroon na ng specialized medical services sa mga regional hospitals sa iba’t ibang parte ng bansa para naman hindi na nila kailangang bumiyahe pa at gumastos ang mga pasyente papuntang Maynila.


Samantala, bilang bisyo ko ang magserbisyo, patuloy ako at ang aking opisina sa pagbisita sa ating mga kababayan upang mamahagi ng tulong sa abot ng aming makakaya.


Noong July 14, nagtungo tayo sa Rizal Park sa Davao City para magbigay ng dagdag na tulong sa 1,272 mga biktima rin ng sunog noon mula sa iba’t ibang barangay. Personal nating sinaksihan ang ipinamahaging emergency housing assistance ng National Housing Authority sa mga benepisyaryo, sa pakikipagtulungan kasama ang tanggapan nina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at NHA Regional Manager ng Davao Region na si Engr. Clemente Dayot.


Noong July 13, nasa Davao del Norte tayo kung saan dinaluhan natin ang inauguration ng Sangguniang Panlalawigan Building sa Tagum City sa imbitasyon ng lokal na pamahalaan. Sinilip din natin ang Tagum City Motorpool for Care for School Chairs Program kasama sina Vice Governor Oyo Uy at Mayor Rey Uy.


Sa kaparehas na araw, dumalo rin tayo sa groundbreaking ng Super Health Center ng siyudad na sinundan naman ng pamamahagi natin ng tulong sa 1,500 na mga mahihirap nating kababayan doon kasama ang lokal na pamahalaan.


Noong July 12, tayo ay nasa Cebu para daluhan ang groundbreaking ng Super Health Center sa Carcar City at mamahagi ng tulong sa 2,000 na indigents sa lugar kasama sina Governor Gwendolyn Garcia, Congresswoman Rhea Gullas, Mayor Mario Patricio Barcenas at Vice Mayor Efren Quijano. Ininspeksyon din natin ang Carcar City New Public Market na napondohan ang pagsasaayos sa ating pamamagitan.


Sinundan ito ng ating monitoring visit sa Malasakit Center sa Cebu Provincial Hospital kung saan namigay tayo ng tulong sa 170 pasyente at 243 frontliners. May hiwalay na tulong ang DSWD sa mga kwalipikadong pasyente. Namahagi rin tayo ng tulong sa 2,000 na mahihirap na residente sa Naga City sa tulong ng opisina ni Mayor Valdemar Chiong.


Binisita natin ang seawall project at turn over ng mga sasakyan para sa lungsod na atin ding sinuportahang mapondohan noon.


Pagkatapos ay dinaluhan natin ang Liga ng mga Barangay NCR Regional Summit 2023 na ginanap sa Davao City kung saan binigyang-diin ko ang aking suporta sa kapakanan at karapatan ng ating barangay at Sangguniang Kabataan officials.


Nitong nakaraang linggo, nagkaroon din ng iba’t ibang relief activity ang aking opisina sa buong bansa. Sa Camarines Sur, namahagi tayo ng assistance sa 94 na kababayan natin sa mga conflict-affected at geographically isolated barangays; at 450 na mahihirap naman sa Canaman at Calabanga.


Namahagi rin tayo ng tulong sa 57 na mahihirap na residente sa Muntinlupa City; 57 sa Licab at 237 sa Gapan, Nueva Ecija; 75 na persons with disabilities sa Davao City; 300 na mahihirap sa Pasig City; at 1,000 sa Meycauayan City, Bulacan. May 109 pamilyang biktima ng sunog rin ang naabutan ng tulong sa Brgy. 23-C, Davao City.


Nagpaabot din tayo ng suporta sa groundbreaking ng Super Health Center sa Estancia, Iloilo, at namahagi rin ng tulong ang aking team sa 1,000 na mahihirap doon.


Tandaan natin na sa bawat pagsubok, may kasamang pagkakataon para sa atin na matuto at magpatuloy. Sa nalalapit na SONA ni Pangulong Marcos Jr., aking inaasahan na patuloy na ipapakita ng ating gobyerno ang dedikasyon at malasakit sa sambayanang Pilipino. Sa ating pagtutulungan at pagkakaisa, tiyak na malalampasan natin ang hamong ating kinakaharap at maaabot natin ang isang mas magandang kinabukasan para sa lahat.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page