ni Gerard Peter - @Sports | October 21, 2020
Matapos ang mga pagpapaliban at paghihigpit sa mga pampalakasan sa buong mundo, higit na sa larangan ng mixed martial arts na dulot ng novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic, muling bubuksan ang daan para kay dating two-time ONE Lightweight champion Eduard “Landslide” Folayang na muling simulan ang kanyang unang hakbang patungo sa pag-aasam na mabawi ang kanyang nawalang titulo.
Isang malaking panalo sa lupain ng bansang Singapore ang susubukang makamit ng beteranong MMA fighter mula Baguio City laban sa mas batang Australian fighter na si Antonio “The Spartan” Caruso sa ONE Championship: Inside the Matrix na gaganapin sa Oktubre 30 sa fan-less Singapore Indoor Stadium.
“Napaka-importante ng laban na ito, na palaging sa Singapore lahat nag-start, lahat ng quest ko for ONE Championship belt nag-start sa Singapore,” pahayag ng 35-anyos na fighter, kahapon ng umaga sa linguhang PSA Forum sa virtual online session, hinggil sa pagkamit niya ng parehong titulo noong 2016 at 2018 fights. “Napaka-importante nito kase gusto pa rin natin ulit na makuha for the 3rd time, and it always start from Singapore kase dun tayo mas nagiging maganda ‘yung performance natin. Importante ito not only for me at siyempre sa team ko at country ko sa Pilipinas,” dagdag ni Folayang na nagsimulang sumabak sa MMA noong 2007 at lumaban sa ONE stable noong 2011 sa Singapore.
Sa pitong laban ng dating 2006 Doha Asian Games silver medalist sa Singapore sapol pa noong 2010 mula sa paglahok sa Martial Combat Fighting Championship hanggang ONE Championship, anim na panalo ang napagwagian nito, kabilang na ang pagwawagi ng Lightweight title laban kay Japanese Shinya “Tobikan Judan” Aoki sa pamamagitan ng 3rd round technical knockout.
Dito rin nagsimula ang ikalawang paghahanap niya sa titulo sa panalo kay Kharun Atlangeriev noong May 18, 2018 sa unanimous decision win sa ONE: Unstoppable Dreams.
Tanging ang panalo lamang nito ay kay Amarsanaa Tsogookhuu ng Mongolia dahil sa technical decision ng magkaroon ng malaking cut si Folayang dulot ng unintentional headbutt.
“The big key is in him. Kailangan ma-execute ang game plan. Ito yung magbibigay ng chance para makabalik sa lightweight championship,” wika ni founder at head coach ng Team Lakay na si Mark Sangiao. “Naging mahaba ang preparation namin simula pa noong March. Kahit na pandemic tuloy ang training niya. We still believe na always seeing him yung fire during sa training na there’s a big chance to get that championship again,” dagdag ni Sangiao na siya ring tumatayong coach ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP).
Comments