ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 04, 2021
Sumulong ang binatilyong si FIDE Master Alekhine Nouri sa unang puwesto upang puwersahin ang mga bigating karibal na sina International Master Michael Concio Jr. at IM Daniel Quizon na makuntento na lang sa 2nd at 3rd place nang magsara ang bakbakang rapid chess sa Southeast Asian Games Selection - Semifinals tournament.
Ang trio nina Ma. Elayza Villa, Rowelyn Joy Acedo at Christy Lamiel Bernales ang mga bumandera sa sulungan sa kababaihan.
Anim na panalo at isang tabla (kabuuang 6.5 puntos) ang ginawang armas ni Nouri, 15-anyos, may rating na 2263 at minsan nang naghari sa USM Individual Chess Open sa Malaysia, upang dominahin ang oposisyong kinabibilangan ng mahigit 60 mandirigma ng paspasang ahedres. Napabilang sa mga naging biktima si topseed IM Ronald Dableo (round 5, rating: 2417) at ang batikang IM Ricardo De Guzman (round 6, rating:2330).
Hinugutan niya ng kalahating puntos sa huling yugto si Concio, runner-up sa Asian Zonals 3.3. chess tilt at kinatawan ng bansa sa nalalapit na FIDE World Cup sa Sochi, Russia, upang kandaduhan ang unang puwesto. Kagaya ni Nouri, hindi nakatikim ng pagkatalo sa paligsahan si Concio pero hanggang 6 na puntos lang ang inirehistro niya dahil sa 5 panalo at dalawang tabla. Gayunpaman, sapat na ito para sa pangalawang posisyon.
Ang naging marka ni Quizon, may rating na 2406 at isa pang kinatawan ng Pilipinas sa FIDE World Cup matapos na magkampeon sa Asian Zonal 3.3, ay 5.5. puntos naman (galing sa limang panalo, isang tabla at isang talo) kaya hanggang tersera lang ito nakasampa. Dinaig niya sa posisyong ito dahil sa mas mainam na tiebreak output sina Mark Jay Bacojo, Felrod Cyril Telesforo at Dilan Janmil Tisado.
Comments