top of page
Search

Flores at Diaz overall champ, pangarap ang National Team

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 4, 2025



Photo: Ang mga nag-overall champion sa tatlong karera ng 711 simultaneous run ng Muntinlupa, Davao at Cebu na sina Eduard Flores, Edsel Mural, Maricar Camacho sa 42km, Richard Salano at Arlan Arbois ng 32km, 2nd place si Nhea Ann Barcena at Macrose Dichoso sa 32km, kasama sina Ricky Organisa at Dickyias Mendioro sa 21km na ginawaran ng cash prize ang mga kampeon ng P25thou ni Jose C. Ang, 711 Head Gen Merchandise Division. (A. Servinio)


Patuloy ang pag-usbong ng baguhang si Eduard Flores at idagdag na ang Run 7-Eleven 2025 sa kanyang mga karangalan.


Naitala ng tubong General Santos ang pinakamabilis na oras sa Marathon na sabay-sabay ginanap sa mga lungsod ng Muntinlupa, Cebu at Davao simula Sabado ng gabi hanggang madaling araw ng Linggo.


Umoras si Flores ng 2:32:07 upang mabuo ang apat na ikot at 42.195 kilometro sa loob ng Filinvest-Alabang sa Muntinlupa.


Pumangalawa si Edsel Moral (2:34:01) habang pangatlo ang kampeon ng Cebu City na si Jerald Zabala (1:34:44). “Pangarap ko talaga maging bahagi ng pambansang koponan,” wika ni Flores na dating manlalaro ng UP-Diliman sa UAAP Athletics.


Makakatikim si Flores kung paano katawanin ang Pilipinas at ang mga nagwagi ay ipapadala sa isang pandaigdigang karera ngayong taon.


Sa panig ng kababaihan, pinakamabilis si April Rose Diaz na kampeon ng Davao at ang oras niyang 3:17:45.


Ito ay 31 segundo lang ang agwat sa kampeon sa Muntinlupa Maricar Camacho na 3:18:16 habang pangatlo si Rosalyn Tadlas ng Davao (3:18:34). Naging malupit ang palitan ng hakbang at sa huli ay nanaig si Richard Salano (1:47:37) kay Arlan Arbois (1:50:40) sa 32-kilometro sa Muntinlupa.


Pangatlo ang kampeon ng Cebu Jason Padayao (1:52:27) sa rutang nagsimula at nagtapos sa Citi de Mare at tampok ang tulay ng Cebu-Cordova Link Expressway.


Sa Cebu rin tumakbo ang pangkalahatang nagwagi sa kababaihan na si Cherry Andrin (2:21:08).


Sinundan siya ng mga sumalang sa Muntinlupa Nhea Ann Barcena (2:23:23) at Macrose Dichoso (2:24:59).


Reyna ng Half-Marathon o 21.1 kilometro ang pambansang atleta Christine Hallasgo na tinapos ang karera sa SM Davao sa 1:24:23 at malayo sa mga kapwa-kampeon Artjoy Torregosa ng Cebu (1:29:47) at Joida Gagnao ng Muntinlupa (1:31:26). Ang mga wagi sa kalalakihan ay sina Ricky Organisa (1:09:25) at Dickyias Mendioro (1:10:24) ng Muntinlupa at John Mark Dizon (1:12:00) ng Cebu. (A. Servinio)

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page