ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 30, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay isang security guard sa isang garment factory sa Bulacan. Ako ay bigla na lamang tinanggal sa aking duty sa naturang factory.
Apat na buwan na ang nakalilipas ngunit wala pa rin akong panibagong pinagdu-duty-han. Nais kong sampahan ang aking agency ng illegal dismissal sa pagkakatanggal ko. Tama ba ang aking nais gawin? - Analyn
Dear Analyn,
Para sa iyong kaalaman, mayroong napagdesisyunang kaso ang Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Padilla v. Airborne Security Service Inc., G.R. No. 210080, November 22, 2017, Ponente: Honorable Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, nakasaad na:
“Placing security guards on floating status is a valid exercise of management prerogative. However, any such placement on off-detail should not exceed six (6) months. Otherwise, constructive dismissal shall be deemed to have occurred.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang isang agency o employer ay hindi mapipigilang ilagay sa floating status ang kanilang mga security guard sapagkat ito ay maituturing na isang management prerogative. Sa ganoong kadahilanan, maaari nilang tanggalin o ilipat ng duty ang kanilang mga security guards ayon sa kanilang kagustuhan. Ngunit ang floating status na ito ay hindi dapat lumagpas ng anim na buwan sapagkat maaari silang makasuhan ng constructive dismissal.
Ibig sabihin, hindi tama ang iyong nabanggit na pag-file ng illegal dismissal laban sa iyong agency kung ikaw ay nakakaapat na buwan pa lamang sa ilalim ng floating status, maliban na lamang kung wala silang sapat na basehan para rito. Kapag lumagpas lamang ng anim na buwan na ikaw ay wala pa ring panibagong duty ay saka lamang magiging tama ang pagkakaso laban sa iyong agency ng illegal dismissal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments