ni Lolet Abania | November 1, 2020
Suspendido ang lahat ng uri ng flight operations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula alas-10 ng umaga ng November 1 hanggang alas-10 ng umaga ng November 2, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA).
Itinigil ang operasyon ng mga flights dahil sa banta ng Bagyong Rolly, na inaasahang matinding tatama sa Metro Manila ngayong Linggo hanggang bukas nang umaga ng Lunes.
Inabisuhan na rin ng MIAA ang mga air travelers na isasara ang NAIA Terminals at lahat ng pasahero ay hindi na dapat pang pumunta sa NAIA.
Gayundin, pinapayuhan ang mga pasahero na agad makipag-ugnayan sa kanilang airlines para maisaayos ang kanilang bagong flight schedule. Bibigyang prayoridad ang mga travellers na may scheduled flights subali’t na-postpone kapag nagbukas na ang NAIA sa November 2.
Ang mga apektadong biyahe ng 24-oras na pagsasara nito ang paglalaanan ng slot upang hindi gaanong maantala ang travel plans ng mga pasahero.
Samantala, ang flag carrier na Philippine Airlines (PAL) at ang budget carrier na Cebu Pacific ay nagkansela na rin ng kanilang international at domestic flights dahil sa Bagyong Rolly.
Commentaires