ni Mylene Alfonso | May 19, 2023
Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang batas na nag-aamiyenda kaugnay sa pagtatakda ng fixed term sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay makaraang lagdaan ni Marcos ang Republic Act No. 11939, o ang An Act Further Strengthening Professionalism and Promoting the Continuity of Policies and Modernization Initiatives in the Armed Forces of the Philippines, and Amending for this Purpose Republic Act No. 11709.
Una nang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang Republic Act No. 11709 noong Mayo ng nakaraang taon.
Batay sa inamyendahang Republic Act 11939, mananatili pa rin sa tatlong taon ang fixed term ng tour of duty ng AFP Chief of Staff.
Sa ilalim ng bagong batas, mababawasan ang fixed term ng mga major service commanders sa dalawang taon mula sa tatlong taon.
Kabilang dito ang Commanding General ng Philippine Army; Commanding General ng Philippine Air Force; Flag Officer in Command ng Philippine Navy; at Superintendent ng Philippine Military Academy ay may maximum tour of duty na dalawang magkasunod na taon.
Lahat ng nabanggit na posisyon ay maaaring i-terminate ng Pangulo ang termino nang mas maaga kung gugustuhin niya.
Ang naturang mga opisyal din ay hindi na magiging eligible para sa anumang posisyon
sa AFP, maliban kung ma-promote bilang Chief of Staff.
Habang itinakda naman sa 57-anyos mula sa edad na 56 ang compulsory retirement age ng mga may ranggong 2nd lieutenant o ensign hanggang Lt. General o Vice Admiral at pwede rin silang magrerito kung umabot na sa 30 taong active service anuman ang mauna sa dalawa.
Itinakda naman sa 60 taong gulang ang compulsory retirement age ang mga kinomisyon sa ilalim ng P.D. No. 1908 at maging ang mga itinalaga sa Corps of Professors.
Samantala, sa ilalim din ng bagong batas, itinaas sa limang taon ang dating tatlong taon ang maximum tenure ng mga nasa ranggong Brigadier General/Commodore habang sampung taon naman mula sa dating walong taon para sa mga may ranggong Colonel/Captain.
Kommentare