top of page
Search
  • BULGAR

FIVB Women's Challenger Cup, abangers na sa Alas Pilipinas!

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 4, 2024



Sports News


Mga laro ngayong Huwebes – N. Aquino

3 PM Puerto Rico vs. Kenya

6:30 PM Belgium vs. Sweden


Bawal ang magkamali sa pagbubukas ng 2024 FIVB Women’s Challenger Cup ngayong Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium. Walong bansa, kasama ang host Alas Pilipinas, ay magtatagisan hanggang Linggo para sa karapatang maglaro sa prestihiyosong 2025 FIVB Women’s Volleyball Nations League (VNL). 


Ang walong koponan ay maghaharap sa serye ng mga knockout match. Unang sasalang ang World #15 Puerto Rico laban sa #20 Kenya sa 3:00 ng hapon at susundan agad ng tapatan ng #13 at maagang paborito Belgium kontra #24 Sweden sa 6:30 ng gabi. 


Noong nakaraang taon, pumangalawa ang Sweden sa Pransiya. Ang iba pang mga magbabalik na koponan ay ang Kenya at Vietnam na parehong nagpaalam agad matapos ang unang laro. Nakapasok ang Belgium bilang may pinakamataas na ranggo sa mga bansang hindi kalahok sa 2024 Women’s VNL. Ang Sweden ang kampeon ng 2024 European Golden League. 


Ang Puerto Rico ang nag-reyna sa 2023 NORCECA Volleyball Federation Final 4 para sa mga bansa sa Hilaga at Gitnang Amerika at mga isla sa Carribean. Walang dinaanang torneo subalit Kenya ang may pinakamataas na ranggo sa Aprika. 


Bilang punong-abala, ibinigay sa mga Pinay ang pagiging numero uno kahit #55 sila at haharapin ang may pinakamababang ranggo na #34 Vietnam sa Biyernes. Ang isa pang laro ay sa pagitan ng #16 Czech Republic at #17 Argentina. Ang mga magwawagi ay tutuloy sa semifinals sa Sabado. Ang kampeonato at laban para sa pangatlong puwesto ay gaganapin sa Linggo. 


Nakamit ng Italya ang kanilang pangalawang titulo sa Women’s VNL nang talunin ang Japan – 25-17, 25-17, 21-25 at 25-20 – noong Hunyo 23 sa Bangkok, Thailand. Unang nagkampeon ang mga Italyana noong 2022 kontra Brazil na ginanap sa Ankara, Turkiye. 



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page