top of page
Search
  • BULGAR

FIVB Men's Volleyball Nations League, start na

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2024



Sports Photo

Mga laro ngayong Martes – Mall of Asia Arena

5:00 PM Netherlands vs. Brazil

8:30 PM Canada vs. Japan


Mataas na antas ng laro ang hatid ng 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) ngayong Martes sa Mall of Asia. Sasalang ang Brazil, Canada at Japan, tatlong bansa na pasok sa 2024 Paris Olympics, sa mga laro simula 5:00 ng hapon. 


Bubuksan ng Brazil ang aksiyon kontra Netherlands. Susundan ito ng tampok na laban ng Japan at Canada sa 8:30 ng gabi. 


Matapos ang unang apat na yugto ng serye, nasa ika-anim na puwesto ang Brazil na may kartadang 5-3 panalo-talo habang ang mga Olandes ay ika-13 sa 3-5. Lahat ng mga koponan ay maglalaro ng apat na beses sa MOA. 


FIVB VNL

Pang-lima ang mga Hapon sa 6-2 at pantay sa 4-4 ang Canada. Tanging ang walong may pinakamataas na kartada matapos ang tig-12 laro ang tutuloy sa knockout round na gaganapin sa Poland mula Hunyo 27 hanggang 30. 


Tatagal ang VNL hanggang Hunyo 23. Nakatakdang sumabak sa mga darating na araw ang tatlo pang papuntang Paris na Alemanya (3-5), Estados Unidos (3-5) at host Pransiya (6-2) pati rin ang kulelat Iran na nagbabasakaling makahabol sa biyahe kahit walang panalo sa walong laro. 


Ito ang ikatlong sunod na taon na iginawad sa Pilipinas ang karapatang maging isang punong-abala sa prestihiyosong torneo. Matagumpay na ginanap ang mga laro sa Araneta Coliseum noong 2022 at MOA noong 2023. 


Kasabay ng mga laro sa Pilipinas ang mga laro sa Ljubljana kung saan nandoon ang nangungunang Italya (7-1) at host Slovenia (7-1), 2023 VNL champion Poland (6-2), Cuba (4-4), Argentina (4-4), Serbia (3-5), Bulgaria (2-6) at Turkiye (1-7). Ang Poland ang ika-pitong kalahok sa Olympics at ang nalalabing lima ay matutukoy ayon sa pinakabagong FIVB World Ranking sa Hunyo 24.  

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page