ni Mai Ancheta @News | July 22, 2023
Maaari nang bumalik sa laot ang mga mangingisda sa lahat ng baybayin ng Oriental Mindoro.
Ito ang inanunsyo ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor matapos lumitaw sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na wala ng presensya ng polycyclic aromatic hydrocarbons mula sa demersal at pelagic species sa ginawang water sample na kinuha sa karagatan.
Nangangahulugan aniya ito na maaari nang payagan ang pangingisda sa karagatan ng Pola.
Gayunman, nilinaw ni Pola Mayor Jennifer Cruz na hindi pa rin pinapayagan ang paliligo sa karagatan ng Pola dahil mayroon pa ring langis sa dalampasigan.
Matatandaang nagpatupad ng fishing ban sa lalawigan dahil sa tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress noong Pebrero 28, 2023.
Naunang inalis ang fishing ban sa mga bayan ng Bacco, San Teodoro, Puerto Galera, Bongabong, Mandalay, Bulalacao at Roxas noong May 8,2023 na sinundan naman ng bayan ng Naujan at Pinamalayan noong June 26.
Natapos ang paglilinis ng Coast Guard sa oil spill ng MT Princess Empress noong June 16, 2023.
Comments