ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 21, 2021
Tiniyak ng Malacañang sa mga mangingisdang Pinoy na walang magiging problema at maaari silang magpatuloy sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng ipinatupad na fishing ban ng China sa ilang bahagi ng karagatan.
Siniguro rin ng Palasyo na poprotektahan ang mga Pilipino ng Philippine Coast Guard (PCG).
Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “D’yan lang po kayo sa ating mga traditional fishing grounds.
"Nandiyan naman po ang ating Coast Guard para pangalagaan din po ang interes ng ating mga mangingisda.”
Diin pa ni Roque, “Wala pong extraterritorial application ang batas ng mga dayuhang bansa.”
Samantala, una nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa ipinatupad na fishing ban ng China sa South China Sea simula noong Mayo 1 hanggang Agosto 16.
コメント