top of page
Search
BULGAR

Fish oil, makatutulong mapababa ang risk magkaroon ng breast cancer

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Jan. 6, 2025





Dear Doc Erwin,


Ako ay isang empleyado sa isang state university, 25-anyos at isang dalaga. May family history kami ng breast cancer, ang aking ina ay nagkaroon ng sakit na ito. Umiinom ako ng fish oil supplement alinsunod sa advice ng aking tiyahin. Ayon sa kanya makatutulong daw ito na makaiwas ako sa breast cancer. Nais ko sanang malaman kung ang fish oil supplement ay may kakayanan na mapababa ang risk ko na magkaroon ng breast cancer? May mga pananaliksik na ba na isinagawa upang malaman ang epekto nito sa pagkakaroon ng breast cancer? – Teresita


 

Maraming salamat Teresita sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ang fish oil supplement ay karaniwang naglalaman ng Omega-3 fatty acids na nagmumula sa flaxseed at matatabang isda katulad ng salmon, herring, sardines at mackerel. May iba’t ibang klaseng Omega-3 fatty acids, katulad ng ALA, EPA at DHA. Kadalasan ang EPA at DHA ang laman ng fish oil supplement at ito rin ang karaniwang ginagamit sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa.


Maraming functions ang Omega-3 fatty acids sa ating katawan katulad ng pagiging parte nito sa pagbuo ng cell membranes at mga eicosanoids. Ang huling nabanggit ay ginagamit bilang mga signaling molecules ng ating katawan upang maging maayos ang functioning ng iba’t ibang organ systems natin. Tumutulong din ang Omega-3 fatty acids

upang lumakas ang ating immune system. Mayroon din itong anti-inflammatory, antimicrobial at antiviral effects.


Ayon sa Food and Nutrition Board ng Amerika ang kakulangan sa Omega-3 fatty acids ay maaaring magresulta sa sakit sa balat -- pagiging magaspang nito, makaliskis at dermatitis. Maaari ring humina ang immune system kung magkukulang ang ating katawan sa Omega-3 fatty acids, ayon sa pag-aaral na pinamunuan ni Dr. Michael McBurney ng Fatty Acid Research Institute sa Amerika.


Maraming mananaliksik ang naniniwala na dahil sa anti-inflammatory effect ng Omega-3 fatty acid at pag-inhibit nito ng mga cell growth factors, ang pagkain ng mga isda at halaman o pag-inom ng Omega-3 supplement (katulad ng fish oil) ay makatutulong mapababa ang risk na magkaroon ng breast cancer.


Sa isang prospective study na tinawag na Singapore Chinese Health Study kung saan pinag-aralan sa loob ng limang taon ang mahigit sa 35,000 na kababaihan na may edad na 45 hanggang 74, nabawasan ng 26 percent ang risk na magkaroon ng breast cancer ang mga kababaihan na mataas ang intake ng Omega-3 fatty acid. Ang resulta ng pag-aaral na

ito ay nailathala sa British Journal of Cancer noong taong 2003.


Sa isang pananaliksik na pinangunahan ni Dr. Theodore Brasky ng Fred Hutchinson Cancer Research Center sa Seattle, Washington sa Amerika, bumaba ng 32 porsyento ang risk na magkaroon ng breast cancer sa mga kababaihan na umiinom ng fish oil supplement. Mahigit sa 35,000 na kababaihan na may edad 50 hanggang 76 ang kasali sa

pananaliksik na ito na nailathala noong July 2010 sa scientific journal na Cancer Epidemiology, Biomarkers & Prevention.


Base sa mga malawakang pananaliksik na nabanggit, makakatulong ang fish oil supplement o pagkain ng mga isda at halaman na mayaman sa Omega-3 fatty acids upang maibaba ang risk na magkaroon ng breast cancer.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page