ni Gerard Peter / VA - @Sports | January 12, 2020
Inumpisahan na noong nakaraang Linggo ang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa ikatlo at huling window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa pamamagitan ng pagpasok ng unang batch ng mga miyembro ng pool sa training bubble sa Inspire Sports Academy sa Laguna. Kabilang sa mga naunang dumating sa venue ang ace guard ng NLEX Road Warriors at dating Gilas captain na si Kiefer Ravena. Nagkataon din na siya ang nag-iisang PBA player na kabilang sa unang batch kung saan kasama nya ang mga special PBA draftees na sina Isaac Go, Matt at Mike Nieto at Rey Suerte.
Naroon na rin sa bubble at kasama sa mga naunang dumating ang mga collegiate stars na sina Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, Justine Baltazar, Calvin Oftana, Will Navarro at Kenmark Carino at ang kasalukuyang isinasailalim sa naturalization na si Angelo Kouame. Inaasahang darating sa bubble ang ikalawa at huling batch na binubuo ng PBA players sa Enero 22. Walang ibinigay na mga pangalan ang SBP maging ang PBA kung sinu-sino pa ang ibang professional players na makakasama ni Ravena sa training camp. Kaugnay nito, pinasalamatan ni SBP president Al Panlilio si PBA commissioner Willie Marcial sa pagtulong nito upang makuha ang commitment ng ilang PBA players para lumahok sa bubble training. Sinabi naman ni headcoach Jong Uichico na aasistihan nina Meralco coach Norman Black, Rain or Shine coach Caloy Garcia at national youth team coach Sandy Arespacochaga na plano nilang dumiretso na ng Clark kung saan gaganapin ang third window sa Pebrero 18-22 pagkatapos nila sa bubble sa Laguna.
Samantala, hindi naman nakasama ng kanilang mga kapwa cadets sa bubble sina Allyn Bulanadi at Jaydee Tungcab dahil nakatakdang operahan sa kanyang injury sa balikat ang una habang naghihintay naman ng kanyang visa patungong Japan ang huli kung saan nakatakda din itong maglaro sa Japan B League bilang import kaparis ni Thirdy Ravena. Inaasahan ding sumunod sa bubble si Dwight Ramos na mangagaling sa US gayundin si Juan Gomez de Liaño na mayroon mahalagang dental issue. Si Kobe Paras lamang ang walang balita kung makakasama sa bubble.
Comentários