top of page
Search
BULGAR

Financial literacy seminar, kailangan ng mga OFW

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 11, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Nitong nakaraang araw, naging co-sponsor tayo sa Senate Bill No. 2792 na naglalayong pag-ibayuhin ang financial literacy ng mga overseas Filipino workers (OFWs). 


Ito ay dahil sa nais nating susugan ang kontribusyon ng ating mga OFW na itinuturing na mga makabagong bayani na isa sa mga dahilan kung bakit maayos ang ating ekonomiya. Layon ng naturang panukala na obligahin ang bawat OFW na bago magtungo sa ibang bansa ay sumailalim muna sa financial literacy seminars na bahagi ng kanilang Pre-Departure Orientation Seminar.


Ang bawat OFW na papasok sa bagong kontrata ay kailangang sumailalim sa Post-Arrival Training Seminars (PATS) on financial literacy. Maaari ring isama ang financial literacy training sa Pre-Migration Orientation Seminars (PMOS) para sa mga OFW family.


Ang training programs ay isasagawa ng walang bayad at ang mga ituturo ay binubuo ng mga usaping may kaugnayan sa pagpaplano hinggil sa pananalapi, pag-iipon at tamang paggasta, kabilang din ang debt management, financial products, digital financial literacy, cyber-hygiene, data integrity, fraud and scam prevention, financial consumer protection, financial patterns, practices at kultura ng bansang nais puntahan.


Ang panukalang ito ang magsisilbing daan upang hindi mauwi lang sa wala ang bawat patak ng pawis, puyat, pagod at pangungulila ng ating mga kababayang nagpapakahirap maghanapbuhay sa ibang bansa. 


Kailangang-kailangan ang financial literacy upang mabigyang proteksyon ang mga OFW. Iba ang may kaakibat na kaalaman pagdating sa tamang pagmamaniobra ng kanilang suweldo, resources, investments at remittances.


Pagdating ng araw, kapag nagbalik-tanaw sila sa mga pinagdaanan at mga pinaghirapan nila, hindi ba’t masarap isipin na katuwang tayo upang magkaroon sila ng maayos na masisilungan, edukasyon para sa kanilang pamilya at sapat na naipundar na magbibigay sa kanila ng tsansa na mamuhay ng kumportable, masaya at wala ng iba pang aalalahanin.


Wala naman tayong ibang nais kundi ang maisulong ang mga panukalang layong mapabuti ang kapakanan ng ating mga OFW.


Bilang mga moderno at ipinagmamalaking mga bayani ng ating bansa, sila ang mga haligi at ilaw ng tahanang Pilipino. Sila ang sumusugal sa iba’t ibang panig ng daigdig sa hangaring mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kani-kanilang pamilya. Ngunit kasabay ng kanilang ‘di matatawarang sipag at sakripisyo sa dayuhang bansa, isang mahalagang hakbang para sa kanila ang pagkakaroon ng sapat at wastong kaalaman sa pamamahala na bunga ng kanilang mga pinaghirapan — at dito papasok ang tinatawag nating financial literacy para sa OFWs. 


Hangad nating sa pamamagitan ng Mandatory Financial Literacy Training Seminar na itinatakda ng panukalang ito, tayo ay magiging instrumento upang higit na mapabuti at malagay sa tamang direksyon ang bawat sentimong pinaghihirapan ng ating minamahal na kababayang Pinoy worker abroad.


Kung maisasabatas, balang araw sa dapit-hapon ng kanilang buhay, ay matatamasa nila ang kanilang mga sakripisyo. Marami na kasi tayong kababayan na nangibang bansa ngunit sa halip na umunlad at magtagumpay sa buhay ay nauwi sa wala dahil sa kakulangan ng kaalaman sa mga bagay-bagay partikular sa paghawak ng kanilang mga kita.


Ngunit hindi rin maitatanggi na marami ang tagumpay na kuwento mula sa mga OFW na dahil marunong sa buhay ay napakalayo ng narating at dapat na tularan ng iba sa pamamagitan naman ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman kung paano nagtagumpay. 

Ang iniiwasan lang natin ay mauwi sa wala ang pinaghirapan ng mga OFW na paulit-ulit nangyayari at tila hindi natututo ang ilan na kung hindi natangay ng mga scammer ang perang maraming taong pinag-ipunan ay naglaho lamang dahil nabuyo sa sugal at natalo.


Ang lahat ng mga posibleng makapagpahamak sa isang OFW ay tatalakayin at masusing ituturo upang hindi na mangyari pa sa kanila kung paano nalugmok at nalugi ang ibang Pinoy worker abroad.  


Kabilang din dito ang mga kababayan na hindi sanay humawak ng malaking halaga at karaniwang nabibigla kapag nakatanggap ng malaking suweldo habang natataranta kung paano gagastusin — ito ang mga malalapit sa disgrasya na sakaling natapat sa isang matamis mangusap ay maloloko lang pala.


Higit sa lahat marami sa ating mga OFW ang mapapahamak sa ibang bansa dahil sa kakulangan ng kaalaman sa kultura ng bansang kanilang pupuntahan. Minsan tumulong lang pero sila pa ang napahamak dahil sa hindi nga nila naintindihan ang kultura.


Marami pang suliraning kaakibat ang pag-a-abroad na matutugunan ng panukalang batas na ito. Mas mabuti ang naghahanda kaysa magkaproblema, at bago pa tayo humantong sa pagsagip sa kababayang nasa ibang bansa na maaaring nahaharap na sa kamatayan dahil sa kakulangan lamang sa kaalaman.

Marahil ay naiintindihan na ninyo ang kahalagahan nito kung bakit dapat natin itong suportahan.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page