ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2023
Lumikha muli ng bagong kabanata sa kanilang kasaysayan ang Philippine Women’s Football National Team at inabot nila ang pinakamataas ng puwesto na ika-46 sa pinakahuling FIFA Women’s World Ranking na inilabas noong Biyernes ng gabi. Ito ay mas mataas ng tatlong baytang kumpara sa ika-49 sa huling ulat noong Marso.
Kasama sa kalkulasyon ang pagwalis ng Filipinas ng tatlong laro sa 2024 Paris Olympics Qualifier noong Abril at dalawang panalo at isang talo noong 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia noong Mayo. Dahil dito, umakyat din ang mga Pinay sa ika-walo sa buong Asya at pangatlo sa Timog Silangang Asya at nilampasan ang Myanmar, ang nagdulot ng kanilang nag-iisang talo sa SEAG.
Sa 32 bansa na sasabak sa 2023 FIFA Women’s World, ang Pilipinas ay ika-27. Tanging ang Panama (52), Haiti (53), Timog Aprika (54), Morocco (72) at Zambia (77) ang mas mababa.
Walang pagbabago sa taas at ang defending Women’s World Cup champion Estados Unidos pa rin ang numero uno at sinusundan ng Alemanya, Sweden, Inglatera at Pransiya. Nangunguna sa Asya ang Australia (10), Japan (11) at Tsina (14) habang Vietnam (32) at Thailand (44) ang nakakataas sa Pilipinas sa ASEAN.
Samantala, inihahanda na ang lahat para sa mas malaking 2023 Copa Paulino Alcantara ngayong Hulyo. Ayon kay Philippines Football League (PFL) Commissioner Mikhail Torre, tinitingnan nila ang paglahok ng 16 hanggang 20 koponan kabilang ang ilang mga kolehiyo at mga kinatawan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Itinakda ang Hunyo 10 bilang huling araw ng pagsumite ng mga papeles ng mga nais lumahok. Karamihan ng mga laro ay gaganapin sa Rizal Memorial Stadium at University of Makati. Inaasahang matatapos ang Copa sa Setyembre at ang kampeon ay kakatawanin ang Pilipinas sa 2024 AFC Cup.
תגובות