top of page
Search
BULGAR

Filing ng SSS Disability Benefit Claim, puwede online

@Buti na lang may SSS | April 23, 2023


Dear SSS,


Magandang araw!


Nais kong malaman kung paano makaka-avail ng SSS disability benefit ang mga miyembrong tulad ko? Salamat. —Ronnie


SAGOT:

Mabuting araw sa iyo, Ronnie!


Ang benepisyo sa pagkabalda o disability benefit ay ibinabayad ng SSS sa isang miyembro na nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kanyang kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala.


Isasailalim siya sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo.


Samantala, may dalawang uri ng pagkabalda:

  1. Permanent Partial Disability - Maituturing na permanent partial disability ang pagkawala ng kakayahang gamitin o lubusang pagkawala ng alinman sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:

  • isang hinlalaki ng kamay o paa;

  • isang hintuturo;

  • isang hinlalato;

  • isang palasingsingan;

  • isang hinliliit;

  • isang kamay;

  • isang braso;

  • isang paa;

  • isang binti;

  • pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at

  • pagkawala ng pandinig ng isa o dalawang tainga; at

  • pagkawala ng paningin o pagkatanggal ng isang mata.


Samantala, may iba pang mga uri ng pagkabalda na maaaring apruban o bayaran ng SSS bukod sa mga nabanggit.


Buwanang pensyon naman ang ibinabayad sa miyembro na may permanent partial disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Ang bilang ng buwan na tatanggap siya ng pensyon ay nakabatay sa resulta ng pagsusuri ng Medical Evaluation Section ng SSS.


Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung ikaw, Ronnie, ay hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.


2. Permanent Total Disability - Itinuturing naman na permanent total disability ang mga sumusunod:

  • ganap na pagkabulag ng dalawang mata;

  • pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa;

  • permanente at ganap na pagkaparalisa ng dalawang kamay o dalawang paa;

  • pagkapinsala ng utak na naging sanhi ng pagkasira ng isip; at

  • iba pang mga kaso na itinuturing ng SSS na lubusang pagkabalda.


Buwanang pensyon ang ibinabayad sa miyembro na may permanent total disability kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng kanyang pagkabalda. Halimbawa, pagkabalda ng isang miyembro ay noong Pebrero 2022. Ang semestre ng kanyang pagkabalda ay mula Oktubre 2021 hanggang Marso 2022.


Ang benepisyong ito ay katumbas na rin ng SSS Retirement Benefit kung saan mas pabor sa mga miyembrong wala pang 60 taong gulang dahilan sa karagdagang P500 kada buwan na kanilang tinatanggap bilang supplemental allowance.


Pinapaalalahanan din natin ang mga miyembro at pensyonado na magkaroon ng kanilang bank account na kinakailangang i-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) para sa crediting ng kanilang mga benepisyo at loan privileges mula sa SSS. Kaugnay nito, kailangan din na may sarili kang My.SSS account, Ronnie, na matatagpuan naman sa SSS website. Ito’y upang ganap na i-access ang iba’t ibang online service facilities ng SSS lalo na sa pagpa-file ng iyong mga application para sa loans at benefit claims mo.


Kabilang ang filing ng disability benefit claim sa mga benepisyong maaaring mai-file online gamit ang My.SSS Portal. Ito ay batay sa SSS Circular 2022-039 o ang Online Filing of Social Security (SS) Disability Claim Application (DCA) Through the MY.SSS Portal. Para sa iba pang detalye ukol sa online filing ng disability benefit claim, maaari mong bisitahin ang link na ito: https://bit.ly/3ZdYwou.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP).


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page