@Buti na lang may SSS | July 2, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung mayroon bang calamity loan na ibinibigay ang SSS para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Mayon Volcano. Paano ba mag-apply dito? Salamat. - Selena ng Guinobatan, Albay
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Selena!
Simula noong nakaraang Huwebes, Hunyo 22, 2023, binuksan ng SSS ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng kasalukuyang volcanic activity ng Bulkang Mayon sa probinsya ng Bicol.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa buong lalawigan ng Albay na ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity. Kasama rin sa mga lugar na ito ang mga bayan ng Bacacay; Camalig, Daraga (Locsin), Guinobatan, Jovellar, Libon, Ligao, Malilipot, Malinao, Manito, Oas, Pio Duran (Malacbalac), Polangui, Rapu-Rapu, Sto.Domingo, Tabaco at Tiwi, at ang lungsod ng Legazpi.
Makakakuha rin ng financial assistance mula sa CAP ang mga lugar na maaari pang ideklara ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa nasabing volcanic activity.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa miyembro at ang three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Talakayin muna natin ang hinggil sa calamity loan. Upang mag-qualify ka, Selena, sa CLAP, kinakailangan na matugunan mo ang sumusunod na kondisyon:
· Mayroong My.SSS account sa www.sss.gov.ph;
· Nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 monthly contributions, anim (6) dito ay dapat posted na sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng filing ng aplikasyon;
· Mayroong hindi bababa sa 6 na posted monthly contributions sa kasalukuyang coverage o membership type bago ang buwan ng filing ng kaniyang loan application;
· Kasalukuyang employed, self-employed, voluntary kabilang na ang non-working spouses, o land-based overseas Filipino workers members;
· Kung ikaw ay employed, kinakailangang i-certify ng iyong employer ang CLAP application sa pamamagitan ng My.SSS account nito;
· Residente ng NDRRMC-declared calamity area na may pag-aari sa nabanggit na mga lugar;
· Hindi pa nabibigyan ng anumang final benefit gaya ng permanent total disability o retirement;
· Walang outstanding loan sa Loan Restructuring Program at nakaraang CLAP.
Ang filing ng aplikasyon sa CLAP ay sa pamamagitan ng online gamit ang My.SSS ng miyembro. Kung ikaw naman ay isang empleyado ng kumpanya, dapat isertipika ng iyong employer ang iyong CLAP application gamit din ang kanilang My.SSS account.
Bukas ang naturang programa sa loob ng tatlong (3) buwan simula Hunyo 22 hanggang Setyembre 21, 2023.
Selena, makakahiram ka naman ng katumbas ng average ng iyong monthly salary credit (MSC) sa huling 12 buwan. Ang monthly salary credit naman ay ang batayan ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan.
Halimbawa, kung ikaw ay kumikita ng P19,250.00 bawat buwan at naghuhulog ng P 2,730.00 kada buwan bilang iyong SSS contribution, ang iyong MSC ay 19,500.00. Kung ikaw ay nag-file sa calamity loan ngayong Hulyo 2, 2023, iko-compute ang average na MSC mo mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2023. Ipagpalagay natin na ang iyong MSC mula Hulyo hanggang Disyembre 2022 ay nasa 18,000 at ang iyong MSC mula Enero hanggang Hunyo 2023 ay nasa 19,500 naman. Ang magiging average MSC mo ay 18,750.00 kaya ang magiging halaga na iyong matatanggap para sa iyong calamity loan ay P18,000.
Ang nasabing pautang ay maaari mong bayaran nang installment sa loob ng 24 buwan.
Ang amortisasyon ay magsisimula sa ikalawang buwan mula sa petsa na naaprubahan ang iyong calamity loan. Halimbawa, nanghiram ka ngayong Hulyo 2, 2023, ibig sabihin nito ang iyong pagbabayad ay magsisimula sa Setyembre 2023. Samantala, ito ay may interes na 10% kada taon hanggang sa ito ay mabayaran, na kinukwenta sa lumiliit na balanse ng loan sa loob ng 24 buwan. Hindi na rin ibabawas ang 1% na service fee.
Ang crediting ng nasabing calamity loan ay sa pamamagitan ng account ng miyembro sa Unified Multi-Purpose Identification (UMID) - Automated Teller Machine (ATM) Card, o account nito sa alinmang bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet), o kaya’y sa kanilang Union Bank of the Philippines (UBP) Quick Cards na nakarehistro sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS.
Sa isang linggo naman ay ating tatalakayin ang three-month advance pension para sa ating mga pensyonado.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments