ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 7, 2021
Sasalang si Fil-Japanese Yuka Saso sa LPGA Pelican Women's Championships sa Nobyembre 11 hanggang 14 sa Belleair, Florida at umaasa ang Pinoy sports fans sa Pilipinas na makakasikwat pa ng karagdagang karangalan para sa bansa ang dalaga bago tuluyang pumalo sa mundo ng professional golf bilang kinatawan na ng Japan.
Matagumpay namang nakapasok si Carl Jano Corpus sa weekend play ng Asia Pacific Amateur Golf Championships sa Dubai. Ngunit ang kartada ng Pinoy na 1-under-par ay nagtulak sa kanya palabas ng top 10 kaya kailangan pa nitong humataw sa natitirang mga butas sa kompetisyon.
Kamakailan ay napabalitang pagsapit ng 22-anyos ay pipiliin na ni Saso ang pagiging Japanese citizen. Ito ay magiging pangalawang panghihinayangan ng mga sports buff ng Pilipinas. Ang una ay nang tumawid ng pederasyon mula sa Pilipinas papunta sa USA ang ngayon ay FIDE World Random Fischer Chess champion na si Grandmaster Wesley So.
Sa ngayon ay sumasabak si Saso, reyna ng prestihiyosong U.S. Open at may-ari ng dalawang gintong medalya mula sa Asian Games, sa Japan LPGA major event na Toto Open. Nakaupo siya sa pulutong ng mga umaalagwa sa torneong nasa penultimate round na bitbit ang 6-under-par 211 na kartada. Ito ay pitong palo ang layo sa trangko na idinaraos sa 6,616 yardang Seta Golf Club ng Shiga, Japan.
Sa bakbakang Pelican kung saan $1,750,000 ang kabuuang pabuya para sa mga magpopodium kabilang sa mga magiging karibal ni Saso sina Rolex World no.1 Jim Young Ko ng South Korea, Tokyo Olympic gold medalist Nelly Korda mula sa USA, LPGA Rookie of the Year, ANA Majors winner at Thai ace Patty Tavatannakit, Rolex World no. 4 South Korean Sei Young Kim.
Pagkatapos sa Toto Japan Open at Pelican ay papalo uli siya sa US sa LPGA season ender na CME Group Tour Championships sa Naples, Florida sa Nobyembre 18-21.
Yorumlar