top of page
Search
BULGAR

FIL-Canadian Fernandez sa U.S. Open final vs. Raducanu

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 12, 2021




Hudyat ng pagdating ng malaking pagbabago sa larangan ng Women’s Tennis ang inaabangang tapatan ngayong umaga nina Leylah Fernandez, isang Filipina-Canadian at Emma Raducanu ng Gran Britanya para sa prestihiyosong 2021 US Open

Championships. Nakatakda ang Women’s Singles finals ng 4:00 a.m. ngayon sa Arthur Ashe Stadium sa loob ng USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.


Kinailangan ng dalawang dalaga na lampasan ang hamon ng mas matandang kalaro sa semifinals noong Biyernes. Tinalo ng 19-anyos na si Fernandez si #2 seed Aryna Sabalenka ng Belarus, 7-6 (3), 4-6 at 6-4 habang agad pinauwi ng 18-anyos na si Raducanu si Maria Sakkari ng Gresya, 6-1 at 6-4.


Bago ang torneo, dalawang beses lang umabot ng Round Two si Fernandez noong 2020 US Open at 2021 French Open. Natalo din siya sa Round 2 ng katatapos na Tokyo Olympics.


Umani ng atensiyon si Fernandez matapos niyang isa-isang pinadapa ang mga higante ng tennis. Sinimulan niya ang kampanya sa mga panalo kay Ana Konjuh ng Croatia at Kaia Kanepi ng Estonia bago ang malaking gulat kay #3 Naomi Osaka ng Japan sa Round Three.

Mas mabigat kung ihahambing ang mga tinalo ni Fernandez subalit mahirap din ang daan ni Raducanu na kinailangan pang dumaan sa qualifier bago mapabilang sa 128 sa main draw.


Binigo ni Raducanu ang mga unseeded na sina Stefanie Vogele ng Switzerland, Zhang Shuai ng Tsina, Sara Sorribes ng Espanya, Shelby Rogers ng U.S. at ang nag-iisang seeded na #11 Belinda Bencic ng Switzerland bago labanan si Sakkari. Ang kakaiba kay Raducana ay hindi pa siya natatalo ng kahit isang set sa kanyang anim na laban at winalis ang lahat ng kalaro sa dalawang set.


Naglaro din sa Women’s Doubles si Fernandez at ang kanyang katambal na si Erin Routliffe ng New Zealand. Nakatutok ang mga tagahangang Filipino sa lahat ng kilos ni Fernandez bunga ng kanyang pagkakaroon ng lahing Pinoy. Ang kanyang lolo at lola ay tubong Pilipinas subalit ang kanyang nanay ay ipinanganak na sa Canada at ang kanyang tatay ay isang Ecuadorian.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page