ni Gerard Arce @Sports | March 10, 2024
Paldo sa kanyang mga nilikhang atake ang power spiker Filipino-Canadian na si Savannah Dawn Davison ng pangunahan ang panibagong panalo para sa PLDT High Speed Hitters ng walisin ang Capital1 Solar Energy Spikers sa iskor na 25-13, 25-15, 25-16 straight set sa unang laro ng triple-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference, kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Bumanat ng kabuuang 22 puntos mula sa 19 atake, kasama ang 2 blocks at isang ace si Davison kasama ang 9 excellent digs, katulong si Fiola Ceballos na tumapos ng 10 puntos mula lahat sa atake at isang excellent reception tungo sa 3-1 kartada sa likod ng mga unbeaten na Cignal HD Spikers, Choco Mucho Flying Titans at defending champs na Creamline Cool Smashers.
Nag-ambag din ng kontribusyon sa panibagong panalo, upang makabawi sa pangwawalis na naranasan kontra Petro Gazz Angels noong nakaraang linggo, sina Erika Santos (anim), Dell Palomata (lima) at Kim Fajardo (apat), habang may 12 excellent sets at 2 puntos si Rhea Dimaculangan at magandang depensa ni Kath Arado sa 13 excellent digs at 6 na excellent receptions.
Samantala, nagposte ng panibagong career-high si UST Golden Tigresses outside spiker Angeline “Angge” Poyos upang dalhin sa ika-5 sunod na panalo ang koponan at manatiling undefeated matapos walisin ang nagpapalakas pa lang na Ateneo Blue Eagles sa iskor na 25-19, 25-16, 25-19 straight set sa unang laro ng 86th UAAP women’s volleyball tournament, kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Hindi matatawaran ang mga ibinuhos na puntos ng super-rookie spiker nang magtala ng 26 puntos mula sa 21 atake, 3 aces at 2 blocks, kasama ang limang excellent digs at apat na excellent receptions upang manatiling nasa tuktok ng liderato ang UST tangan ang 5-0 kartada.
Comments