ni Lolet Abania | January 15, 2023
Nakamit ni Miss USA R’Bonney Gabriel ang korona bilang Miss Universe 2022, kung saan hindi lamang siya ipinagmamalaki ngayon ng Amerika maging ng Pilipinas din.
Isang Filipino-American beauty queen, tinalo ni R’Bonney ang 82 kandidata sa coronation night ng Miss Universe pageant, kung saan ang bagong owner nito ay si Anne Jakapong Jakrajutatip, na ginanap sa New Orleans, Louisiana, ngayong Linggo (oras sa Pilipinas).
Isinilang si R’Bonney sa Houston, Texas. Habang ang kanyang ama na si Remigio Bonzon “R. Bon” Gabriel ay ipinanganak naman sa Pilipinas at tubong Manila. Sa edad na 25, nag-migrate si Remigio sa Washington, USA, habang ang ina ni R’Bonney na si Dana Walker ay nagmula sa Beaumont, Texas.
Bukod sa nagwaging Miss Universe, si R’Bonney ang kauna-unahang Fil-Am na kinoronahang Miss USA.
Sa ngayon, si R’Bonney ay 28-anyos na. Nagmarka sa mga hurado ang isa sa mga interview questions sa kabuuan ng coronation night ang tungkol sa kung anong mga pagbabago o changes ang kanyang gagawin para sa Miss Universe competition.
Tiwalang sinagot ni R’Bonney ito na kanyang itataas ang age limit ng pageant.
“I do not believe age defines us,” pahayag ni R’Bonney. At sinundan pa niya ng sagot ng kanyang favorite quote na, “If not now, then when?”
Sa batang edad na 15, fashion ang minahal nang husto ni R’Bonney. Nagtapos siya mula sa University of North Texas na may bachelor’s degree in Fashion Design noong 2018.
Si R’Bonney ay isang fashion designer, model, at kasalukuyang CEO ng kanyang sariling sustainable clothing line, ang R’Bonney Nola.
Para sa kanyang naggagandang outfits sa Miss Universe pageant, nakipag-collaborate naman si R’Bonney sa mga Filipino fashion designers.
Ang kanyang evening gown sa ginanap na mga preliminaries at coronation night ay ginawa ni Rian Fernandez, habang ang kanyang national costume ay gawa naman ni Patrick Isorena.
Gayundin, si R’Bonney ang siyang lead sewing instructor sa Magpies & Peacocks, isang Houston-based non-profit design house na kilala sa kanilang commitment para sa tinatawag na sustainability at community impact. Nagtuturo din ang Miss Universe 2022 ng sewing classes sa mga babae na naging biktima ng human trafficking at domestic violence.
Comments