top of page
Search
BULGAR

Fide World Cup Qualifier IM's Quizon, Concio, angat

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 07, 2021




Hinatak ng 16-anyos na si International Master Daniel Quizon sa tabla si Grandmaster Novendra Piasmoro ng Indonesia sa isang hindi inaasahang resulta upang mapanatili ang kanyang puwesto sa nangungunang grupo ng ginaganap na FIDE World Cup 2021 Qualifying Tournament - Asian Zonals 3.3.


Itinuturing na upset ang ipinoste ni Quizon (ranked 13, rating: 2319) kontra sa 2nd seed (may 2502 na rating) na Indonesian. Ito rin ang nagbigay sa binatilyo ng apat na puntos mula sa tatlong panalo at dalawang tabla pagkatapos ng 5 rounds.


Bukod dito, naging pasaporte niya para makahati sa liderato ang kapwa Pinoy na si IM Michael Concio Jr., IM Ervan Mohamad (Indonesia), Sean Winshand Cuhendi (Indonesia) at FIDE Master Jagadeesh Siddhart ( Singapore).


Napuwersa rin ni Concio, 16th seed at may rating na 2297, ang mas mataas sa seedings na si Mohamad sa hatian ng puntos noong round 5.


Kasama sa mga naging marka ni Quizon sa paligsahan ay nang talunin ng binatilyong Pinoy si 18th seed FIDE Master Pitra Andyka ng Indonesia. Kinailangan lang ni Quizon ng isang dosenang sulong sa hawak na puting piyesa para irehistro ang panalo.


Kalahating puntos sa likuran ng tumatrangkong grupo ang untitled Pinoy chesser na si Merben Roque, isang Malaysian, isang Singaporean at limang kinatawan ng malupit na koponan ng Indonesia. Tinalo ni Roque si Tian Yu Poh ng Malaysia sa panglimang yugto ng kaganapang magkakaloob ng gantimpalang salapi sa mapapabilang sa podium at tiket naman sa prestihiyosong FIDE World Cup sa unang dalawang disipulo ng ahedres pagkatapos ng 9 rounds.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page