ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 27, 2020
Sinilat ng Pilipinas ang pre-tournament favorite Poland sa panglimang yugto, 3-1, upang mapanatili ang puwesto ng tatlong kulay ng bansa sa top 8 ng ginaganap na FIDE Online Chess Olympiad For People With Disabilities.
Puro chess masters (isang Grandmaster, dalawang FIDE Masters at isang WCM) ang pinakawalan ng unang koponan ng Poland nang sagupain nito ang Pilipinas pero hindi nakaldag ang mga kinatawan nang huli.
Hinatak ni IPCA (International Physically Disabled Chess Asdociation) World champion at FIDE Master Sander Severino (rating: 2364) si GM Marvin Tazbir (rating: 2513) sa hatian ng puntos sa bakbakang board 1. Ganito rin kagiting ang naiposteng resulta sa board 3 ni untitled Jasper Rom (rating: 2202) laban kay FM Lukasz Nowak (rating: 2265).
Bukod dito, naitakbo nina untitled entries Darry Bernardo (vs. FM Marcin Molenda) at Cheyzer Crystal Mendoza (vs. WCM Anna Stolarczyk) ang buong puntos kontra sa magkaibang mga karibal sa board 2 at 4 ayon sa pagkakasunod-sunod upang selyuhan ang upset sa malupit na kompetisyon.
Bukod sa panalo laban sa Poland 1, kasama na sa kartada ng mga bata ni Team Captain James Infiesto pagkatapos ng limang rounds ang tabla sa Canada at sa Israel pati na ang makinang na mga panalo laban sa U.S. (4-0) at sa Russia 2 (3-1).
Ang Team Philippines 2 naman nina Menandro Redor, Arman Subaste, Felix Agilera at Cheryl Angot ay nakakapit sa pang-15 na puwesto pagkatapos na ibagsak ang Colombia 2 sa iskor na 3.5-0.5.
Nasa homestretch na ang dalawang linggong kompetisyong nahahati sa dalawang yugto. Ang unang bahagi ng bakbakan ay isang pitong round na Swiss System. Ang unang apat na teams ay sasalang sa double round semis kung saan ang top 2 ay magsasalpukan para sa kampeonato. Sagupaan para sa huling upuan ang magaganap sa dalawang koponan na hindi makakapasok sa finals. Pinapairal ang 25/10 time control sa torneo.
Comments