ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 22, 2020
Hinirang si Pinoy Grandmaster Mark Paragua na top board 1 performer sa Pool A ng katatapos na bakbakang Division 2 ng FIDE Online Chess Olympiad.
Ipinoste ni Paragua, may FIDE standard chess rating na 2529 at rapid chess rating na 2573, ang lima at kalahating puntos mula sa walong laro ng nakasaysayang kompetisyon at ito ang naging tulay niya pagtungo sa pagiging best performer sa Division 2, Pool A o 'yung tinawag na Group of Death. Bukod sa 36-taong-gulang na chesser, wala nang ibang kinatawan ng bansa ang nakasungkit ng katulad na karangalan.
Samantala, napagsaraduhan na ng pinto paakyat sa Division 1 ang Pilipinas matapos lang itong pumanglima sa Pool A. Nasa Division 1 na mula sa pangkat na ito ang Bulgaria, Germany at Indonesia matapos nilang makuha ang unang tatlong puwesto. Australia ang pumang-apat. Sa apat na nanguna, tatlong talo ang natikman ng Pilipinas bagamat nakaungos ito sa karibal mula sa Timog Silangang Asya na Indonesia, 3.5 - 2.5.
Ang koponan ng International Physically-Disabled Chess Association o IPCA na pinangunahan ni Pinoy FIDE Master Sander Severino ay na-promote mula Division 3 papuntang Division 2 pero hindi na rin nakasampa sa Top Division matapos na mabigong mapabilang sa unang tatlong finishers ng Division 2 Pool B.
Sa kasalukuyan, ang mga apisyonado ng ahedres sa bansa ay nakatutok sa magiging laro ni dating Philippine champion GM Wesley So, 26-anyos at tubong Cavite, na poposte sa board 1 ng Top Division heavyweight USA (Pool D).
Comments