top of page
Search
BULGAR

FIBA Esports Open II: America, namayani

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 21, 2020





Nais patunayan ng Estados Unidos na hindi lang sila ang numero unong bansa pagdating sa Basketball kundi pati na rin sa NBA2K sa unang araw ng 2020 FIBA ESports Open II North at Central America Conference noong Linggo ng umaga, oras sa Pilipinas. Kasabay nito ang South America Conference kung saan ipinakita ng defending champion Argentina na seryoso sila na panatilihin sa kanilang kamay ang korona.


Namayani ang mga Amerikano na may kartadang 4-1 panalo-talo upang makalapit sa isang puwesto sa serye para sa kampeonato na nakatakda para ngayong Lunes ng umaga. Kinailangang matalo muna ang Team USA sa kanilang unang laban kontra Puerto Rico, 54-60, upang magising at umarangkada sa apat na sunod-sunod na tagumpay laban sa Honduras (137-32), Canada (67-61), Dominican Republic (60-57) at Guatemala (107-30).


Tinalo ng Dominican Republic ang Puerto Rico, 67-51, upang magtapos ng parehong 3-1 at kung tatabla sila at ang Estados Unidos ay papasok ang Dominican Republic at Team USA sa seryeng best-of-three sa bisa ng FIBA tiebreaker. Nasa 2-2 ang Canada at ang tanging pag-asa nila ay talunin ang Dominican Republic upang may maliit na pag-asa na makasingit sa kampeonato.


Sa South America, patuloy na ipinapakita ng Argentina ang kanilang husay at agad pinadapa ang Brazil, 53-41, ang parehong koponan na tinalo nila sa unang ESports Open noong Hunyo. Sinundan ito ng 63-52 tagumpay sa baguhang Uruguay.


Tabla ngayon ang Brazil, Uruguay at Bolivia sa 1-1. Tanging ang Venezuela ang nasa ilalim na may kartadang 0-2 subalit maaaring magbago ang lahat pagsapit ng pangalawang araw.


Ang pinagsabay na palaro sa Amerika ay ang huling yugto ng FIBA ESports Open II. Nauna nang koronahan ang Australia (Southeast Asia at Oceania), Saudi Arabia (Middle East), Cote d’Ivoire (Africa) at Turkey (Europe) bilang mga kampeon sa nakalipas na buwan.


Samantala, gumawa ng kasaysayan ang Team USA sa katauhan ni Wendi Fleming, ang pinakaunang kababaihan na naglaro sa FIBA ESports Open. “It is definitely a milestone for me and other women in gaming, so to make it to the FIBA ESports Open is another step in the right direction,” wika ng 33-anyos na point guard sa totoong buhay subalit lumilipat sa posisyon ng sentro pagdating sa NBA2K.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page