ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Jan. 17, 2025
Kinumpirma ni Shaira Diaz sa naging panayam sa kanya ng King of Talk na si Boy Abunda nu’ng Miyerkules (Enero 15) sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) na sa isang simbahan sa Silang, Cavite sila ikakasal ni Edgar Allan “EA” Guzman sa darating na Agosto 25.
Sa nasabing episode, nasa studio si Shaira kasama si Ruru Madrid para mag-promote ng Lolong: Bayani ng Bayan (LBNB), ang kanilang action-drama series na mapapanood sa GMA-7.
Bilang bahagi ng panayam, nabanggit ni Shaira na sa South Korea niya bibilhin ang wedding gown na gagamitin sa mahalagang araw ng kanilang buhay ni EA.
“Sobrang love ko ‘yung Korea, ‘yung culture nila. Mahilig ako sa K-drama, sa K-pop, kay Jungkook [ng BTS], so parang gusto kong lagyan ng very personal sa ‘kin,” kuwento ng aktres.
Sa naturang panayam, sinabi ni Shaira na isang intimate wedding ang magaganap at kinumpirma niyang si Boy Abunda ang magiging ninong sa kasal nila ni EA.
Ikinatuwa rin ni Shaira ang pagpapaubaya sa kanya ni EA sa mga paghahanda para sa nalalapit nilang kasal, pati na ang pagpili sa mga invited guests.
Aniya, mahalaga na ang mga taong malapit sa kanilang puso, na saksi sa simula ng kanilang pagmamahalan, ay naroroon.
“Nakakatuwa kasi hinahayaan lang n’ya ako. Kung may idea ako na gusto kong makita sa wedding namin, isine-send ko sa kanya, ipinapakita ko, at nagye-‘yes’ lang s’ya.
“Kasi, sabi n’ya nga, ‘‘Yung kasal ay para talaga sa bride.’
“Parang iyon ang day ng bride, so ibinibigay po n’ya sa ‘kin ‘yun. Walang away, walang pressure, walang stress,” ani Shaira.
After mag-box-office… HLA NINA KATHRYN AT ALDEN, IPAPALABAS NA SA NETFLIX
Maraming fans nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang nagbubunyi dahil ang all-time box-office hit ng taon na Hello, Love, Again (HLA) ay mapapanood na sa Netflix simula Pebrero 13, 2025, bisperas ng Valentine’s Day!
Matatandaang halos buong bansa ang dumagsa sa mga sinehan para sa nasabing KathDen movie simula noong Nobyembre 13, 2024. Sabik ang mga netizens sa istorya at pagpapatuloy ng love story nina Joy (Kathryn Bernardo) at Ethan (Alden Richards), na kinunan on-location sa Canada.
Kaya’t magandang regalo ito sa mga solid KathDen fans.
Sa mga hindi pa nakakapanood ng pelikula, maaari nang ulit-ulitin ang panonood ng HLA sa Netflix.
May iba pang gawang Pinoy na malapit nang mag-stream sa Netflix tulad ng pelikulang Friendly Fire (FF) na pinagbibidahan nina Loisa Andalio, Coleen Garcia, Yves Flores at Harvey Bautista, sa direksiyon ni Mikhail Red na mapapanood na sa Enero 23, 2025.
Samantala, sa Enero 17, Biyernes, ay streaming na rin sa Netflix ang Kapamilya series na Incognito, kung saan isa sa 7 bida ay ang ex ni Kathryn Bernardo na si Daniel Padilla.
Comments