top of page
Search
BULGAR

Ferry boat nasunog, 29 patay

ni Jeff Tumbado | March 31, 2023




Tinatayang nasa 29 indibidwal ang kumpirmadong namatay sa pagkasunog ng isang pampasaherong barko sa karagatang sakop ng Basilan nitong Miyerkules ng gabi.


Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) District BARMM Commander Commodore Rejard Marfe, kabilang sa nakita ang mga labi ng 18 biktima sa loob ng nasunog na MV Lady Mary Joy 3.


Nasa sampu naman ang naunang naitalang nasawi na nalunod matapos tumalon mula sa nasusunog na barko.


“As of now, continuous ‘yung pag-search natin sa barko para makita natin kung meron pang cadavers na madi-discover,” pahayag ni Marfe.


“Nalunod 'yung sampu. Ito ‘yung tumalon na walang lifejacket and nalunod,” dagdag ni Marfe.


Sinabi ni Marfe, nasa 230 ang nakaligtas sa trahedya kasama ang mga crew ng barko habang 9 sa mga nakaligtas ang nagtamo ng sugat at kinailangang dalhin sa pagamutan.


Samantala, batay naman sa nakuhang impormasyon ni Basilan Gov. Hadjiman Hataman-Saliman, galing sa Zamboanga City ang MV Lady Mary Joy 3, at papunta sa Sulu nang masunog ito.


Idinagdag niya na batay sa kuwento ng ilang nakaligtas, natutulog sila nang mangyari ang sunog alas-11 ng gabi nang Miyerkules.


Idineklarang naapula ang sunog sa ferry boat alas-7:30 ng umaga ng Huwebes.


Ayon sa imbestigasyon, sinabi umano ng kapitan ng barko na dinala niya ang sasakyan sa Baluk-Maluk Island sa Hadji Muhtamad nang magkaroon ng sunog, para maisalba ang mga pasahero.


Pinaniniwalaan na nagmula sa accommodation area sa second deck ng barko ang sunog.


Hindi naman umano overloaded ang barko na 430-katao ang kapasidad at 205 lang ang pasahero at may 35 crew nang mangyari ang sunog.


Wala ring ulat ng oil spill mula sa barko, ayon sa PCG.


Sa isang pahayag, nagpaabot naman ng pakikiramay si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa mga kaanak ng mga nasawi.


Patuloy umano ang isinasagawang paghahanap sa mga posibleng nakaligtas sa trahedya, at maging sa labi ng mga nasawi.


Nakikipag-ugnayan din umano ang tanggapan ng kongresista sa Department of Social Welfare and Development para mabigyan pa ng karagdagang tulong pinansiyal ang mga nakaligtas para sa kanilang gastusin.


"Nakikipag-usap din kami sa mga awtoridad at mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang siyasatin kung ano ang puwedeng gawin para maiwasan ang mga ganitong insidente," ani Hataman.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page