ni Jasmin Joy Evangelista | January 14, 2022
Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang batas na ipanapangalan kay "King of Philippine Movies" Fernando Poe Jr. ang Roosevelt Avenue sa Quezon City.
Sa pamamagitan ng Republic Act 11608, pinalitan na bilang Fernando Poe Jr. Avenue ang Roosevelt Avenue sa Quezon City.
Inaatasan ng batas ang Department of Public Works and Highways na mag-isyu ng panuntunan, kautusan at circular para sa pagpapatupad ng probisyon sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo nito.
Matatandaan na si dating Sen. Lito Lapid, isa ring aktor, ang nagsulong sa Senado ng panukala.
Una niyang inirekomenda na ang Del Monte Avenue ang ipangalan kay Poe dahil doon nakatayo ang movie production company ng namayapang aktor.
Pero inirekomenda ni Senate President Tito Sotto, na amyendahan ang panukala.
Ani Sotto, sa halip ay ang Roosevelt Avenue ang ipangalan kay FPJ dahil sa naturang lugar lumaki si Da King.
Matatagpuan ang dating tahanan ng pamilya ni FPJ sa kanto ng Roosevelt Avenue at Paraiso street.
Ang Roosevelt Avenue ay ipinangalan kay dating US President Franklin D. Roosevelt.
Samantala, nagpasalamat si Sen. Grace Poe sa pagkakataong aniya ay para maalalang muli ang legacy ng kanyang ama.
“Nagpapasamat at nagpapakumbaba ako at ang aking pamilya sa batas na ito. Ang FPJ Avenue ay nagbigay-pugay sa nagawa at legasiya ng aking ama na ngayon ay bahagi na ng kasaysayan ng ating bansa,” pahayag ni Poe.
Pinasalamatan din ni Poe ang mga kapwa mambabatas mula sa Senado at sa House of Representatives na siyang nagsulong sa panukala kung saan inilarawan nila si PFJ bilang isang cultural icon at kampeon ng masa.
Comments