top of page
Search
  • BULGAR

Feeling sad ang lablayp… IKALAWANG PAG-AASAWA, NAKATAKDA SA BABAENG PINAGPALIT SA NO. 2

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | July 20, 2024


Dear Maestro ,


Mayroon akong problema sa aking mister. Iniwan niya ako at sumama siya sa ibang babae na mas bata sa akin. 


Naisipan kong sumangguni upang itanong kung babalik pa kaya siya sa amin? Ako na lang ngayon ang bumubuhay sa tatlo naming mga anak na maliit pa, gayung wala naman akong permanenteng trabaho. Kaya sana, mabigyan n’yo ako ng mapalad na numero upang makatulong sa akin na maitaguyod ko ang aking mga anak at mabigyan sila ng magandang kinabukasan. 


Ang isa ko pang katanungan, Maestro, may tsansa pa ba akong makapag-asawa? Kung oo ang sagot, magiging maligaya kaya ako? Madalas din akong tumaya sa lotto, kaya sana mabigyan n’yo ako ng masuwerteng numero at kung saang lokasyon ako dapat tumaya? Ang birthday ko ay December 8, 1989. 


Umaasa, 

Ayie ng Cardona, Dolores, Abra  



 

Dear Ayie,


Ayon sa iyong kaarawan na 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ganyan talaga ang nakatakda sa iyong kapalaran. Mabibigat na mga pagsubok ang iyong pagdaraanan. Sa sandaling nakalusot ka naman sa mga matitinding problema, yayaman at uunlad na rin naman ang iyong buhay. 


Samantala, sa tanong mo naman na muli ka bang makakapag-asawa, ang kasagutan ay sinagot na ng iyong zodiac sign na Sagittarius, dahil malaki ang tsansa mong magkaroon ng bagong lalaki, lalo na kung ito ay Leo, Aries, Gemini, at Sagittarius. Ang mga lalaki mo pang ka-compatible ay silang mga isinilang sa buwan ng Mayo na may kaarawan na  3, 5, 14, 23, 7, 16, 25, 13, 22, 31, 2, 11, 20 at 29. 


Kung nagbabalak ka naman na mag-asawa muli, ang nasabing mga lalaki ang hanapin mo, at tiyakin na isa lamang ang iyong iibigin, upang magkaroon ng isang maunlad, maligaya at malusog na pamilya.


Likas ka namang mapalad mula sa ika-19 ng Nobyembre hanggang sa ika-25 ng Disyembre, mula sa ika-19 ng Marso hanggang sa ika-25 ng Abril at mula sa ika-19 ng Hulyo hanggang sa ika-25 ng Agosto, higit lalo sa mga araw ng Lunes, Biyernes, Sabado, at Linggo, sa kulay na berde, dilaw at pula.   

 

Habang bukod sa sarili mong numero na 17 o 8, mapalad ka rin sa lahat ng numero na may sumatotal na 5, 7 at 4, tulad ng 14, 23, 32, 41, 16, 25, 34, 43, 4, 13, 22, 31, 40, 49,  at iba pang kauri nito. Pupuwede mo ring subukan ang 1, 18, 23, 28, 32, at 42, gayundin ang 6, 12, 26, 32, 39 at 40. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa grupo ng mga numero 6708/ 5635/ 2231/ 1343.


Upang matiyak ang malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na kulay itim ang bintana at rehas, ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng jackpot sa taong 2029, sa edad mong 40 pataas.


Habang ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda ka namang muling makapag-asawa sa taong 2026, sa edad mong 37 pataas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page