ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 2, 2022
Dear Sister Isabel,
Isa ako sa mga ina na labis na nalulungkot dahil sa hindi magandang pakikitungo sa akin ng anak ko. Wala man lang akong madamang pagmamalasakit, pag-aalala at pagbibigay ng importansiya bilang ina niya. Madalas tuloy akong umiiyak dahil sa ugali ng anak kong ito.
Wala na siyang ginawa kundi kontrahin ang gusto kong gawin dito sa bahay. Halimbawa na lang ng pagsabat niya ‘pag nagsasalita ako dahil katwiran niya, alam na niya ang sasabihin ko. Mabuti na lang, marunong akong magtimpi at umunawa dahil kung hindi, baka nasaktan ko na ang batang ito. Mabait siya sa ibang tao, pero sa sariling ina, maldita siya. Mas naaawa pa siya sa ibang tao kesa sa akin at pati sa pagkain ay pinagdadamutan ako. Itinatago niya ang pagkain at minsan ay pinababayaran sa akin ang mga nakain ko, pero ang ibang tao ay binibigyan niya pa.
Akala tuloy ng mga kapitbahay namin, napakabuti niyang anak, lalo pa’t maamo ang mukha niya.
Napagpapasensiyahan ko siya dahil naaalala kong mas grabe ang ginawa ko sa nanay ko noong kabataan ko. Palasagot din ako at walang galang sa aking ina. Naisip ko na tama pala ang madalas kong marinig sa iba na kung ano ang gawin mo sa nanay mo ay gagawin din sa iyo ng anak mo. Balak kong mamuhay nang solo para wala na akong sama ng loob. Tama ba ang gagawin ko?
Nagpapasalamat,
Criselda ng Lucban Quezon
Sa iyo, Criselda,
Hindi na ako magtataka kung bakit sa panahon ngayon, mas marami ang inang gustong humiwalay sa anak kaysa makisama pa. Nakikisimpatya ako sa sitwasyon mo. Kung inaakala mong kaya mong mamuhay nang solo, gawin mo na. Kumuha ka na lang ng isang alalay para makaagapay mo sa mga gawaing bahay. Mabuti naman at napag-isip-isip mo na ganu’n ka rin sa ina mo noon kaya ‘yan din ang ginawa sa iyo ng anak mo ngayon. Kaya ang marapat gawin ng mga anak ngayon ay igalang at mahalin ang kanilang mga magulang upang pagdating ng araw, ganundin ang ipakita sa kanila ng kanilang magiging anak, gayundin, hindi nila maranasan ang lumuha at sumama ang loob gaya ng nararanasan mo ngayon.
Dapat nilang maunawaan ang batas ng kalikasan, na kung ano’ng itinanim ay siya ring aanihin at huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo. Lakip nito ang dalangin, nawa’y maging maayos ang pagbukod mo ng tirahan. Hingin mo ang tulong ng Diyos upang gabayan at alalayan ka sa buhay na pinili mo.
Ipagdasal mo rin na hipuin Niya ang puso’t kalooban ng iyong anak at ipaisip sa kanya na mahalin at igalang ka upang balang-araw ay hindi niya danasin ang dinaranas mo ngayon.
Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments