top of page
Search
BULGAR

Feeling ‘di lab ng pamilya… Dalagang nag-attempt magpatiwakal, ‘di na dapat ulitin

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 24, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig


Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Palagi akong nag-aalala at para bang ayoko na sa mundo. 


Palaging nagtatalo ang magulang ko, kahit sa maliit na bagay. Wala nang katahimikan sa bahay namin, at wala rin akong maramdamang pagmamahal mula sa kanila. 


Ang isa ko pang problema, wala akong kaibigan dahil hindi naman ako marunong makihalubilo sa mga tao. Kaya madalas naiisip ko na mas mabuti pa siguro sa kabilang buhay, ‘di pa ako magugutom at mauuhaw doon. 


Alam mo, Sister Isabel, dumating na rin ako sa puntong gusto ko nang mag-suicide, pero ‘di ito natuloy dahil nakita ng kapatid ang bagay na sana ay gagamitin ko. 


Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ano ang maipapayo n’yo sa akin upang masolusyunan ko ang ganitong klaseng pag-uugali? Hihintayin ko ang inyong payo.


Nagpapasalamat,Joanne ng Pangasinan


 

Sa iyo, Joanne,


Maganda ang buhay sa mundo, lalo na kung maganda rin magiging pananaw mo. Huwag kang masyadong maging pessimistic. Ibig sabihin, matuto kang mag-appreciate ng maliliit na bagay. Life is what we make it, ikaw din mismo ang gagawa ng paraan upang maging masaya ka. 


Huwag na huwag mong wawakasan ang buhay mo. Kasalanan iyan, mas mabuti kung sa langit ka mapupunta, walang gutom at uhaw kang mararamdaman. 


Pero, paano kung sa impiyerno o sa purgatoryo ka mapunta? Huwag mo na ulitin pa ang mag-suicide, dahil nawawala lang ang pisikal mong katawan, ngunit ang iyong kaluluwa ay buhay na buhay pa at nanonood sa mundong iiwan mo, na kung saan ang mga tao ay nag-e-enjoy sa kanilang buhay, nagdiriwang kapag may okasyon, at kumakanta sa videoke.


Masaya sila kahit simpleng buhay lang. Makakaranas ka rin ng ganitong kaligayahan kung magiging bukas ang iyong isipan sa katotohanan na ang bawat isa sa atin ay may sari-sariling problema, pero lahat naman ng problema ay may solusyon. Lahat ng mga gumugulo sa ating isipan ay dadaan at lilipas din. Paikut-ikot lang iyan, mas makakabuting lumapit ka sa Diyos.


Kapag ginawa mo ‘yun, gagaan na ang iyong kalooban at maaari mo ring hilingin sa Diyos na pagtibayin ang puso’t kalooban n’yo para maging maayos na rin ang relasyon ng magulang mo, lalo na sa iyo na madaling panghinaan ng loob. 


Sumali ka rin sa mga gawaing simbahan. Mapapansin mo, mawawala na ang iyong kalungkutan. Iyan ang simpleng paraan upang baguhin ang iyong pananaw sa buhay. 


Huwag maging nega. Palagi mong isipin ang magandang aspeto ng buhay. Tandaan mo, kung ano ang iniisip mo, ganu’n din magiging resulta. ‘Ika nga sabihan, “Response to stimulus,” kung ano ang ating iniisip, iyon ang ating mararanasan. Mag-isip ka ng positibo, at negatibo.


Sumasaiyo, 

Sister Isabel del Mundo





File Photo

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page