ni Grace Poe - @Poesible | January 11, 2021
Isa sa mga tinutukan nating maisama sa General Appropriations Act of 2021 na siyang batas na naglalaan ng budget ng pamahalaan para sa taong ito ang pondo para sa feeding program para sa mga batang undernourished. Humigit-kumulang P6-B ang inilaan natin para sa School-Based Feeding Program (SBFP) para mabigyan ang undernourished children mula kindergarten hanggang Grade 6 ng kahit isang fortified meal kada araw sa hindi bababa sa 120 araw sa isang taon. Bahagi ang SBFP ng Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act na ating inakda.
Sa pagpapatupad ng Department of Education sa tulong ng mga local na pamahalaan, ang food packs ay inihahatid na sa bahay ng mga bata o inilalagak sa itinakdang lugar kung saan ito kukunin ng magulang o ng tagapangalaga ng mga bata. Kaya kahit walang pasok sa paaralan, tuloy pa rin ang nutrisyon ng mga batang undernourished na kailangan nating tutukan at pangalagaan.
Tiniyak nating mapopondohan ang pagpapatupad ng nasabing batas dahil naniniwala tayong higit kailanman, ngayon pinakakailangan ang feeding program. Maraming pamilya ang apektado ng pandemya, lalo pa ang mga nawalan ng trabaho o pagkakakitaan. Nutrisyon ang nakokompromiso kapag walang pera ang pamilya kaya malaking tulong ang food packs na matatanggap ng mga kuwalipikadong mag-aaral.
Samantala, pinaglaanan din natin ng mahigit tatlong bilyong piso ang Supplementary Feeding Program na ipinatutupad naman ng Department of Social Welfare and Development. Target naman nito ang mga batang dalawa hanggang limang taon para mabigyan ng isang fortified meal kada araw sa loob ng hindi bababa sa 120 araw.
Habang lahat tayo ay naghihintay ng bakuna, huwag nating kalimutang hindi lamang coronavirus ang karamdamang dapat pag-ingatan. Kailangan nating pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan, lalung-lalo na ng mga bata. Ang feeding programs ang ating kontribusyon para lumaki silang malusog, masaya, at may laban sa kinabukasan.
Comments