ni Grace Poe - @Poesible | September 21, 2020
Panahon na naman sa Kamara at Senado ng pagrerebisa ng budget ng mga sangay at ahensiya ng pamahalaan. Isa-isang sumasalang ang mga bawat tanggapan para i-presenta ang planong paggugol nila sa darating na taon, at ipaliwanag sa mga mambabatas kapag may tanong tungkol dito. Bahagi ito ng tungkulin ng Kongreso na magpasa ng national budget para sa bansa matapos suriin ang hinihingi ng mga opisina ng pamahalaan.
Pagkakataon ito para sa mga mambabatas tulad ng inyong lingkod na maisulong ang aming mga adbokasiya. Tulad ng dati, tiniyak natin na ang mga bata ay makatatanggap ng kinakailangan nilang suporta mula sa ating pamahalaan. Pinagtuunan natin ng pansin ang pagpopondo sa school-based feeding program sa ilalim ng national budget kahit pa walang pisikal na klase ang mga mag-aaral.
Pinaglaanan ng P5.97 bilyong pisong budget ang school-based feeding program sa ilalim ng Department of Education. Kasalukuyang itong tinatalakay sa budget deliberations sa Kongreso.
Suportado natin ang naisip ng DepEd na magrasyon ng masustansiyang pagkain sa mga estudyante na maaaring ihatid ng guro sa bahay ng mag-aaral o kaya naman ay kunin ng mga magulang sa paaralan. Kasabay itong dadalhin ng modules ng mga bata. Naniniwala tayong malaking tulong ito para sa ating mga mag-aaral na apektado ng pandemya. Sa gitna ng kinahaharap natin, walang batang nag-aalala dapat kung kailan siya susunod na kakain. Gawan natin ng paraan para lamanan ang kanilang tiyan para maging alerto ang kanilang isipan.
Kabilang na sa target beneficiaries ang mga papasok na kindergarten learners at ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6 na wasted at severely wasted base sa 2019-2020 School-Based Feeding Program report. Gayunman, hindi na kasama rito ang umabante na sa Grade 7.
Ang magandang nutrisyon ay may malaking kaugnayan sa maayos na paglaki ng isang bata. Ang pag-intindi natin sa nutrisyon nila hangga’t maaga ay magbibigay sa ating kabataan ng mas malaking tsansa na labanan ang mga nakamamatay na karamdaman at makatutulong sa kanilang pag-unlad na pisikal, intelektuwal, sosyal, emosyunal at moral.
Katuwang na programa ng national feeding program ang kampanya para sa public health nutrition at values transformation para sa mas buong lapit sa edukasyong pangkalusugan at nutrisyon.
Sa panahong marami sa ating mga kababayan ang nawawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa epekto ng COVID-19 sa ating ekonomiya, ang feeding program para sa mga bata ay isang malaking bagay para pangalagaan ang kanilang kalusugan. Ang programang ito ay para sa kapakinabangan ng higit na nangangailangan sa ating lipunan na pinakaapektado ng pandemya. Umaasa tayong maaaprubahan sa Kongreso ang budget nito at maipatutupad ng maayos para makarating ang tulong sa dapat makatanggap nito.
Comments