ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 2, 2024
Photo: Marvin at Jolina - Marvin Agustin's FB
Tiyak na matutuwa ang mga loyal fans nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin dahil sa wakas ay matutuloy na rin ang kanilang reunion movie titled Ex Ex Lovers to be directed by JP Habac.
Matagal nang inire-request ng kanilang mga fans na muli silang magtambal sa pelikula, at handa silang suportahan ang proyekto.
Kumpirmado nang matutuloy ito sa ilalim ng Project 8 Productions, isang Manila-based movie outfit. Si Direk Dan Villegas, isa sa mga producers, ay masigasig na nagtatrabaho para sa Jolina at Marvin reunion movie.
Excited din sina Jolina at Marvin sa pagkakataong ito, na ilang taon nang hinihintay ng kanilang mga fans. Nais nila na sana ay walang aberya, dahil naiinip na rin ang kanilang mga supporters sa muli nilang pagtatambal sa big screen.
Tiyak na magkakaroon pa rin ng kilig ang iconic love team nila.
SEN. BONG, BALIK-SITCOM BAGO MAG-ELEKSIYON
MASAYANG-MASAYA at excited ang buong cast ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (Part 3) sa kanilang first day of taping.
Sa pangunguna nina Sen. Bong Revilla, Jr., Beauty Gonzalez, Carmi Martin, at Niño Muhlach, maayos naman ang mga eksenang kinunan. Lahat ay sabik na muling bumalik sa set dahil na-miss nila ang magandang samahan at pagkukulitan ng buong cast.
Mapapanood pa rin si Sen. Bong sa telebisyon hanggang February 2025, ang pinaka-cut-off para sa mga artistang tatakbo sa election 2025.
Pinagbigyan din ang kahilingan ng cast na magkaroon ng Part 3 ang serye na malaking tulong sa mga artista at production staff para magkaroon ng trabaho. Kaya ibinibigay nila ang todo-effort para sa action-comedy serye.
Aabangan din ng mga viewers ang mga big stars na tiyak na papasok at magge-guest.
PINAGHAHANDAAN nang husto ni Ruru Madrid ang sequel ng hit series niyang Lolong, na malapit nang muling mapanood sa GMA-7. Kapansin-pansin na medyo lumaki ang katawan ni Ruru at fit na fit na siya para sa mga action scenes.
Isang malaking proyekto ito at big-budgeted ang Lolong, na talagang gagastusan ng GMA Network, hindi lang sa cast at location, kundi maging sa mga special effects. Tiyak na aabangan ng mga viewers kung sinu-sino pang Kapuso stars ang madaragdag sa cast.
Ikinatuwa rin ni Ruru na makakasama niya sa Lolong Part 2 si Rocco Nacino.
Magiging abala si Ruru sa pagpasok ng taong 2025, excited din siya dahil nakasama siya sa pelikulang Green Bones (GB) sa MMFF 2024, na bida si Dennis Trillo.
Kakaiba ang tema ng GB at parehong markado ang role nila rito. Ang GB ay joint venture ng GMA Pictures at ng movie outfit nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Kasama rin ang mga artista tulad nina Iza Calzado, Kylie Padilla, Alessandra de Rossi, at Sofia Pablo.
Maka-relate kaya si Manilyn Reynes sa episode ngayon ng Pepito Manaloto (PM)?
Aligaga ang pamilya, kaibigan, at mga kasambahay ng Manaloto family sa paghahanda ng sorpresa para kay Elsa (Manilyn Reynes) na magga-graduate sa isang kursong kinuha niya. Gusto siyang bigyan ng kakaibang regalo at sorpresa ni Pepito (Michael V).
Wow! Tiyak na maraming viewers ang matutuwa sa PM.
Congratulations, Manilyn!