top of page
Search

Family mediation, solusyon sa alitan ng magkakamag-anak

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Namatay ang aming ina noong nakaraang taon nang walang iniwan na huling habilin. Ang aming ina ay may naiwan na lupain na siyang naging dahilan ng hindi pagkakaunawaan naming magkakapatid kung papaano ito hahatiin. Ang kapatid ko ay nagsampa ng kaso sa korte hinggil dito, ngunit ayaw ko na sana dumaan sa mahabang paraan pa ng paglilitis.  Bilang magkakapatid ay ayoko na rin na kami ay magharap pa bilang magkalaban sa korte.  May maaari ba kaming magawa upang maresolba ang aming usapin na hindi na kailangang magpatuloy sa kaso na inihain ng aking kapatid? Barley


 

Dear Barley,


Ang pamilya ang unang sandigan ng bawat isa sa atin kaya tunay na mabigat sa kalooban kung ang sarili mong pamilya ang siya mong kaaway, lalo’t higit kung ito ay iyong kapatid at ang nagdudulot ng pagkakagulo ay pawang materyal na bagay lamang tulad ng lupa na naiwan ng iyong ina.


Ito ay isa sa mga pangyayari na sinusolusyunan ng A.M. No. 24-02-06-SC o The Rule on Family Mediation na inaprubahan at pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman noong Nobyembre 5, 2024.  Sang-ayon sa alituntuning ito, ang mga kaso sa pagitan ng mag-asawa, magulang at anak, magkakapatid, magkamag-anak hanggang ikaapat na antas sibil, at mga kasalukuyan at dating magkarelasyon ay kinakailangan na dumaan sa tinatawag na family mediation. 


Sa Section 3 ng nasabing alituntunin ay nakasaad na isa ang inyong usapin na “settlement of intestate estates under the Rules of Court” sa mga kaso na kailangang dumaan sa “dispute resolution” at magkaroon ng sertipiko na bigo ang mga partido na magkaroon ng mapayapang kasunduan bago ihain ang kaso sa korte. 


Kung sakaling ang usapin ay naihain na sa korte, tulad sa inyong kalagayan, itinatakda pa rin ang pagsasagawa ng family mediation. Ito ay nakasaad sa Section 7 ng nasabing alituntunin:


SECTION 7. Directive to Refer the Case to Mediation. - If the parties failed to reach an amicable settlement as provided under Section 5 of this Rule and the case is filed, the Court, after pre-trial conference and the issues have been joined, shall include a directive for parties to undergo mandatory Family Mediation in the Pre-Trial Order.


The order shall specify that the case shall be for Family Mediation and state that it shall be the duty of the parties and their counsel to appear at the mediation and their nonappearance may be excused only for a valid cause such as acts of God, force majeure, or duly substantiated physical inability or emotional or psychological condition. A representative may appear on behalf of a party for a valid cause and upon full authorization through a special power of attorney to appear, offer, negotiate, accept, decide, enter into, and sign an amicable settlement/compromise agreement without need of further approval by or notification to the authorizing principal.”


Ang layon ng family mediation ay pag-uusapin ang magkabilang panig sa pangunguna ng isang family mediator. Dito ay maiiwasan ang pagtutuloy sa pormal na paglilitis ng kaso. Kung ang magkabilang partido ay magkakaroon ng maayos na usapan at magkakasundo, maaari itong aprubahan ng korte, na magiging dahilan upang wakasan ang nakabinbing kaso.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page