top of page
Search
BULGAR

Family driver, ‘di sakop ng Kasambahay Law, walang ‘K’ sa 13th Month, iba pang benefits

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 29, 2024

 

Dear Chief Acosta,


Ako ay namamasukan bilang isang family driver. Minsan ay naibangga ko ang sasakyan ng aking amo nang hindi ko sinasadya. Magmula noon ay hindi na naging maganda ang pagtrato sa akin ng aking amo. Dahil dito ay iniisip ko na magbitiw sa trabaho. Sakop ba ako sa tinatawag nilang Kasambahay Law at may karapatan ba akong tumanggap ng 13th month pay, service incentive leave, holiday pay at rest day pay? -- Drei


Dear Drei,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa kasong Atienza vs. Saluta, G.R. No. 233413, 17 June 2019, Ponente: Associate Justice Andres Reyes, Jr). 


Sa nasabing kaso, sinabi ng Korte Suprema na ang probisyon ng New Civil Code, ang batas na sumasakop sa mga karapatan ng mga family driver at hindi ang Republic Act No. 10361, na kilala bilang “Domestic Workers Act” or “Kasambahay Law”.  Ayon sa Korte Suprema, ang Section 44 ng Republic Act No. 10361 ay ipinawalang-bisa ang Chapter III (Employment of Househelpers) ng Labor Code, kabilang ang Article 141 kung saan nakasaad na ang mga family driver ay nabibilang sa domestic or household service, at Article 149 kung saan sinasakop nito ang mga panuntunan hinggil sa mga kasong puwedeng isampa kaugnay sa pagkakatanggal nila sa trabaho. 


Ipinahayag din ng Korte Suprema na hindi binanggit ng Kasambahay Law ang mga family driver sa enumerasyon ng mga empleyado na sakop nito:

 

“Section 4(d) of the Kasambahay Law pertaining to who are included in the enumeration of domestic or household help cannot also be interpreted to include family drivers because the latter category of worker is clearly not included. xxx.”


Gayundin, sa Section 2 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Kasambahay Law, kaya ipinaliwanag din ng Korte Suprema na “the status of family drivers as among those not covered by the definition of domestic or household help as contemplated in Section 4(d) of the Kasambahay Law.”  Kaya naman, sinabi ng Korte Suprema na ang mga probisyon ng Civil Code sa “Household Service”, partikular sa Articles 1689, 1697 at 1699, Section 1, Chapter 3, Title VIII, Book IV ang siyang may sakop sa mga karapatan ng mga family drivers, kaya:


“ART. 1689. Household service shall always be reasonably compensated. Any stipulation that household service is without compensation shall be void. Such compensation shall be in addition to the [househelper’s] lodging, food, and medical attendance. x xx x


ART. 1697. If the period for household service is fixed neither the head of the family nor the [househelper] may terminate the contract before the expiration of the term, except for a just cause. If the [househelper] is unjustly dismissed, he shall be paid the compensation already earned plus that for fifteen days by way of indemnity. If the [househelper] leaves without justifiable reason, he shall forfeit any salary due him and unpaid, for not exceeding fifteen days.”


Dagdag pa ng Korte Suprema sa nasabing kaso, ang mga empleyado na nasa personal na serbisyo ng iba gaya ng family driver ay hindi entitled sa 13th month pay, service incentive leave, holiday pay at rest day pay dahil hindi sila kasama sa makatatanggap ng mga nasabing benefits alinsunod sa Articles 82, 94 at 95 ng Labor Code, at Section 3(d) ng Implementing Rules ng Presidential Decree No. 851 (13th Month Pay Law).


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page