ni Anthony E. Servinio @Sports | November 4, 2023
Mga laro ngayong Sabado – MOA
9 a.m. UE vs. AdU (W)
11:00 a.m. FEU vs. DLSU (W)
2:00 p.m. AdU vs. UST (M)
4:00 p.m. NU vs. ADMU (M)
Pipilitin ng Adamson University at defending champion Ateneo de Manila University na umalis sa laylayan at pumasok sa 86th UAAP Final 4 sa pagbabalik ng liga ngayong araw sa MOA Arena. Haharapin ng Soaring Falcons (4-5) ang kulelat na University of Santo Tomas (1-8) sa 2 p.m. at susundan agad ng salpukan ng Blue Eagles (4-5) at pumapangalawang National University (7-2).
Galing ang Adamson sa 63-54 panalo sa Far Eastern University noong nakaraang Linggo bago nagpahinga ang UAAP para sa Undas. Kailangan paghandaan nila ang mga nalalabing laro na wala si Jerom Lastimosa na nagtamo ng malaking pilay sa tuhod kaya panahon para angatin ang laro ng lahat lalo na at walang Falcon ang gumagawa ng mahigit 10 puntos bawat laro.
Matapos putulin ang kanilang 19 na magkasunod na talo buhat pa noong 85th UAAP, lumasap ng dalawang talo ang UST sa De La Salle University (69-100) at host University of the East (73-86). Kahit lumalabo ang pag-asa sa Final 4, tuloy pa rin ang laban ng Tigers sa pangunguna ni Nic Cabanero na numero uno sa puntusan ng UAAP na 19.4 bawat laro.
Para sa Ateneo, tumikim sila ng magkasunod na talo sa FEU (59-62) at University of the Philippines (60-65). Samantala, bubuksan ang araw ng labanan ng mga nasa ilalim ng Women’s Division na Adamson (2-7) at UE (0-9) sa 9:00 ng umaga. Kakalas sa kanilang tabla sa 3-6 ang isa sa FEU at DLSU at makahabol sa Final Four sa 11:00.
Comments