top of page
Search

Fake news sa PUVMP, dagdag-problema

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 16, 2024


Halos lahat ng ating mga kababayang apektado ng sunud-sunod na transport strike ay hindi bumibitaw sa itinakdang deadline ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa konsolidasyon ng tradisyunal na jeepney na itinakda noong nakaraang Disyembre 31, 2023.


Ang hindi lalahok sa konsolidasyon ay tuluyan nang hindi bibigyan ng prangkisa at hindi na makakapamasada.


Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos ang hidwaan sa pagitan ng DOTr at ng ilang transport group hinggil sa pagsulong ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan at labis na apektado ang ating mga kababayang sumasakay dito.


Kailangang bago bumalik sa normal na kalakalan ang lahat ng mga negosyo ngayong taon ay maresolba na ang problema ng mga kababayan nating umaasa pa rin sa tradisyunal na jeepney. 


Magugunitang minsan nang namalimos sa kalsada ang mga ito noong panahon ng pandemya dahil sa kasagsagan ng mga protesta at tigil-pasada kung kaya’t nagdesisyon ang mga itong manghingi ng pera sa mga kababayan natin upang matugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.


Humaba nang humaba ang palitan ng paliwanagan sa pagitan ng ilang transport group at ng DOTr na parehong naglalabas ng katwiran sa media kaya hanggang sa kasalukuyan ay kapwa nakaabang pa rin ang magkabilang grupo hinggil sa desisyon ng implementasyon ng PUVMP.


Kasabay nito ay ibinasura ng DOTr nitong nakaraang Huwebes (Enero 4) ang mga alalahanin sa napaulat na posibleng pagtaas ng pasahe sa mga jeepney dahil sa epekto ng PUVMP.


Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, kailangang sumailalim muna sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pamasahe.


Mariin ding itinanggi ni Batan na magkakaroon ng 300 hanggang 400 porsyentong pagtaas ng pasahe kapag naisakatuparan na ang consolidation at PUV Modernization Program.


Sa kabila pa nito, sinabi ni Batan na ang mga nakaraang pagtaas ng pamasahe ay mula P1 hanggang P2 lamang.


Sa kasalukuyan, ang minimum na pamasahe ay P13 para sa tradisyunal na jeepney at P15 para sa modernong jeepney.


Bilang tugon, sinabi ni Batan na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga operator na apektado ng PUVMP.


Sana naman itong DOTr ay doblehin ang pagsisikap na maipaliwanag sa transport group na ang pamahalaan ay magbibigay ng benepisyo sa mga maaapektuhan ng PUVMP.


Ang layunin naman ng pamahalaan ay ilagay sa maayos na kalagayan ang transport group at hindi totoong basta-basta lang silang aalisan ng hanapbuhay.


Ang masaklap pa nito, marami ring lumalabas na dagdag-bawas na balita kaugnay ng isyung ito na pawang mga fake news at nagpapalala lamang sa sitwasyon.


Nagsimula noong 2017, ang layunin ng PUVMP ay mapalitan ang mga jeepney na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon at palitan ang mga PUV na hindi na karapat-dapat sa kalsada, ayon sa pamantayan ng Land Transportation Office (LTO).


Ang problema, mahigit sa P2 milyon ang bawat unit ng modernong jeepney na kahit ang mga state-run bank na Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ay sinabing masyadong mahal para sa mga PUV driver at operator at lubhang hindi nila kakayaning kumuha o bumili at hindi rin naman sila kuwalipikadong manghiram sa bangko. 


Tiniyak naman ng isang opisyal ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) na magbibigay ang gobyerno ng livelihood at skills development programs para sa mga PUV driver, na ang mga operator ay hindi magko-consolidate ng mga indibidwal na prangkisa sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon.


Sinabi ni OTC Chairman Jesus Ferdinand “Andy” Ortega na ang mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay may kanya-kanyang inilaan na pondo para sa naturang mga programa.


Ang kinakailangang pagsasama-sama ng prangkisa ay isa sa mga bahagi ng PUVMP ng pamahalaan na natapos noong Disyembre 31, 2023. At dahil sa pinalawig, ang mga unconsolidated commuter jeepney ay pinapayagan pa ring mag-operate sa mga piling ruta hanggang Enero 31, 2024.


Kaya tiyak na makararanas na naman tayo ng mga protesta sa Enero 31, 2024 dahil sa pagpapahinto na sa pamamasada ng mga tradisyunal na jeepney na tutol sa konsolidasyon ng pamahalaan.


Ito ang sinasabi ko, tumatagal pero humahaba ang usapin sa pagitan ng DOTr at ilang transport group na sana ay maayos na para hindi naman maapektuhan ang mga kababayan natin.

 

Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page