ni Rey Joble @Sports | September 6, 2024
Isang game-winning jumper ang pinakawalaan ni eight-time Most Valuable Player June Mar Fajardo para buhatin ang San Miguel Beer sa kapanapanabik na 113-112 panalo kontra Rain or Shine sa PBA Governors’ Cup nitong Huwebes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Pero dumaan muna ang Beermen sa butas ng karayom bago mailusot ang panalo at igawad sa Elasto Painters ang una nilang talo sa limang laro.
Apat na free throws ang ipinasok ni rookie Felix Lemetti na na-foul ng beteranong guwardiya ng San Miguel na si Cris Ross ang nagbigay kalamangan sa Rain or Shine, 112-111, subalit nagiwan pa sila ng tatlong segundo kung saan madaliang nakagawa ng play ang Berermen na siyang naghing dahilan para makatira ng isang 17-foot jumper si Fajardo.
Walang nagawa si Elasto Painters coach Yeng Guiao kung hindi mapangiti sa kabila ng nalasap na pagkatalo bilang kanyang pagtanggap sa magandang laro.
“Eh wala nang isip-isip kailangan na talagang itira,” ang sabi ni Fajardo. Sa panalong ito ng San Miguel, tila nabalewala ang isa na namang napakagandang laro na ipinakita ni Lemetti, ang premyadong rookie ng Rain or Shine na tumapos ng 28 puntos.
Binigo rin ng San Miguel ang Rain or Shine sa kanilang hangaring makagawa ng history sa liga. Bago magsimula ang laban kontra Beermen, inaasinta ng Elasto Painters ang kanilang unang 5-0 na pasimula sa PBA simula nang pumasok sa liga noong 2006.
Comments