ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 07, 2021
Isa sa pinakamagandang hakbanging inilunsad ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ay ang bago nilang sistema na ‘faceless and nameless’ recruitment na kung magtutuluy-tuloy ay kinakikitaan ng malaking pagbabago sa hanay ng kapulisan.
Kakaiba ang naturang sistema dahil wala umanong mukha o pangalang lalabas habang ipinuproseso pa ang isinumiteng aplikasyon ng isang nais pumasok na maging pulis at tanging ang credentials lamang ng aplikante ang pagbabasehan kung tanggap siya sa PNP.
Tanging ang mga aplikante na nais maging pulis na karapat-dapat at pinakakuwalipikado lamang umano ang tatanggapin base sa inilunsad na Comprehensive Online Recruitment Encrypting System (CORES) sa Camp Crame.
Ibig sabihin ay mawawala na ang sistema ng palakasan at padrino na karaniwang nauuwi sa hindi patas na pagpili sa mga aplikante at nawawalan pa ng pagkakataon ang mga aplikante na talagang nais magsilbi ng buong puso sa ating bayan.
Sa bibig na mismo ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar nanggaling na panahon na umano para wakasan ang bulok na sistema ng ilang aplikante na kumakapit sa matataas na opisyal ng PNP para lamang makapasok sa organisasyon at dito na umiiral ang korupsiyon.
Kamakailan lamang ay isang Staff Sgt. ng PNP ang inaresto dahil sa tumanggap ito ng marked money mula sa operatiba ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na aktong tinatanggap ang halagang P100,000 mula sa isang aplikante na nais maging pulis sa Caloocan City.
Kapalit umano ng naturang halaga na makakapasa ang aplikante at tiyak na makakasama sa listahan ng mga magsasanay na bilang bagong pulis at halos kasabay nito ay isa pa ang nasakote sa Taguig City na may kahalintulad ding kaso.
Marami ring aktibong pulis na sa kasalukuyan ang aminadong maging sila ay biktima rin ng ‘lagayan’ para madaling makapasok sa organisasyon at marami rin ang nagsasabing hindi sila naging pulis dahil sa umiiral na lagayan at padrino system.
Sa bagong recruitment scheme ay gagamitin na ang QR (quick response) Code System sa bawat aplikante at wala ng ID na gagamitin sa pagpasok sa loob ng Camp Crame maliban dito.
Tanging ang credentials ng aplikante na lamang ang susuriin kung kuwalipikado ito at nararapat na makapasok sa police force upang pantay-pantay ang magiging pagkakataon ng bawat aplikante at hindi sila masisingitan ng mga ‘bata’ ng mga matataas na opisyal ng PNP.
Sa QR Code System na lamang na ibinigay sa bawat aplikante ipuproseso ang aplikasyon kabilang na ang Body Mass Index at agility test, drug, and neuropsychiatric test, maging ang physical, medical, at dental examinations.
Sa ganitong paraan ay malaya nga namang makapipili ng karapat-dapat na nais maging pulis ang mga opisyal na nakabase lamang sa kuwalipikasyon at hindi nakikita ang mukha at pangalan.
Kasabay nito ay inatasan din ni Eleazar ang IMEG na maglagay ng complaint desk sa lahat ng lugar sa buong bansa kung saan isinasagawa ang recruitment upang madaling mamonitor kung may mga anomalya pa ring nangyayari.
Para sa mga magsusumbong umano sakaling may mga tiwaling pulis na pinahihirapan ang mga aplikante o sinisekretong tutulungan kapalit ng salapi ay agad magpadala ng mensahe sa Facebook Page: Integrity Monitoring and Enforcement Group at Twitter account: @imeg2017 at makakaasang hindi mabubulgar ang inyong pagkakakilanlan.
Sa isinasagawang recruitment sa kasalukuyang taon ay inaprubahan ng National Police Commission ang may 17,134 slots para sa PNP upang mapalitan ang mga nasawing personnel, mapalakas pa ang puwersa, mapalawak ang presensiya ng pulis at paigtingin ang police-to-population ratio para mapanatili ang peace and order sa komunidad.
Kung sa umpisa pa lamang ay masisimulan ng tama ang isinasagawang pagpili sa mga nais pumasok maging pulis ay tiyak na tataas din ang porsiyento ng mga magsasanay at lalabas na mabubuting pulis.
Hindi ba’t kamakailan lamang ay isang pulis na naman ang walang awang binaril sa ilalim ng panga ang isang 52-anyos na babae sa kabila nang pagmamakaawa nito dahil lamang umano sa kalasingan at muling nanumbalik ang dati nang galit ng pulis sa nasawing biktima.
Nauna rito ay isang pulis din ang kasalukuyang nakapiit dahil sa harap-harapan ding pagbaril sa isang nanay at anak nito na ang pinagmulan ay simpleng alitan lamang sa kanilang lugar.
Nitong nakaraang araw ay isang pulis din ang binaril at napatay ng kapwa niya pulis dahil sa tinalo lamang siya sa bunong-braso at hindi umano nito matanggap ang kanyang pagkatalo.
Kung sa pag-a-apply pa lamang ng isang pulis ay dumaranas na siya ng katakut-takot na pangongotong ay hindi malayong gawin niya rin ito sakaling maging isa na siyang pulis.
Kaya sa ginagawang ito ng PNP ay magandang simula ito para muling ibangon ang imahe ng PNP. Ituloy n’yo ang pagbabago!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments