top of page
Search
BULGAR

Face-to-face transaction sa LTFRB, oks na

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | June 08, 2023



Matapos maitalaga ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang abogadong si Hector Villacorta bilang officer-in-charge (OIC) ng Land Transportation Office (LTO) ay agad itong nagpakitang gilas na handa siyang magbigay ng maayos na serbisyo para sa ahensya.

Si Villacorta na siyang pumalit kay Jay Art Tugade na nagbitiw noong nakaraang Mayo 22 ay Assistant Secretary for Communications and Commuters Affairs ng DOTr at handa umanong gampanan ang pamumuno sa LTO kahit OIC pa lamang.

Tiniyak mismo ni Villacorta kay Bautista na tututukan ng LTO ang mga kritikal na isyu, kabilang na ang pag-iisyu ng driver’s license at plate number ng mga sasakyan na hindi pinagkasunduan noon nina Bautista at Tugade.

Ayon kay Villacorta, ang pag-upo umano niya sa LTO ay hindi transition kundi pagpapatuloy lamang sa pagsisikap na sinimulan ng ahensya sa mahabang panahon na makapagbigay ng maayos na serbisyo.

Medyo nakakaalarma ang mga pahayag na ito dahil tila gagalaw din itong si Villacorta ayon sa kumpas ni Bautista na kung unti-unti nating babalikan ang performance bilang DOTr Secretary ay hindi naman kaaya-aya dahil sa rami ng kinasangkutang kontrobersiya.

Ngunit huwag tayong mawalan ng tiwala kay Villacorta at tama lamang na bigyan natin siya ng pagkakataon dahil dati naman itong secretary sa Commission on Appointments at maayos din itong nanilbihan bilang chief of staff ni dating Sen. Vicente Sotto III.

Kaya lang napakabigat ng bubunuin ni Villacorta dahil sa napakaikling panahon ng panunungkulan ni Tugade ay napakaraming nabago sa LTO na magpapagaan sa buhay ng ating mga kababayan sa lahat ng transaksyon sa naturang tanggapan.

Ilan d'yan ang hindi na kailangan pang magpa-stencil ng makina ng sasakyan sa oras na magpaparehistro muli, dahil dati na nga namang rehistrado na ang sasakyan at gagawin na lamang ito sakaling may kakaibang problemang kinasasangkutan ang sasakyang ire-renew.

Nabulabog din nang husto ang kalagayan ng mga ‘fixer’ sa iba’t ibang tanggapan ng LTO na bagama’t hindi naman naubos dahil ang karamihan ay kasabwat ng ilang tiwaling empleyado kaya kitang-kita pa rin ang pagsisikap ni Tugade.

Ngayon, buo ang loob ni Villacorta na magsimula na ng trabaho at isa sa mga una niyang gagawin ay unahin ang pagre-release ng driver’s license cards ng overseas Filipino workers (OFWs) na magtatrabaho bilang driver sa ibang bansa.

Magandang hakbangin ito bilang panimula dahil malaki ang posibilidad na mapahamak ang ating mga kababayang OFWs dahil posibleng hindi kilalanin ang papel na temporary license sa ibang bansa gaya ng Saudi Arabia.

Sabagay, kaya naman itong gawin dahil base sa pinakahuling imbentaryo ng LTO ay may natitira pang 53,000 na license card at kung titingnan natin ang galawan ni Villacorta ay tila nasa tamang landas naman ito.

Sa ngayon ay nakatutok na ito kung paano mapapabilis ang bidding at delivery ng mga bagong license card at plaka ng mga motorsiklo kasama ang pribadong sektor, kaya magtiwala tayo na kakayanin ni Villacorta na maisaayos ang LTO na binulabog ng DOTr.

Samantala, ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawin na lamang optional ang online transaction sa pagkuha ng dokumento at isagawa na lamang umano ito nang personal.

Base sa Memorandum Circular No. 2023-019 na inilabas ng LTFRB, inamyendahan nito ang Memorandum Circular No. 2020-016 na unang inisyu noong Abril 19, 2020.

Sa unang memorandum, inutos ang online transaction para sa ilang dokumento dahil sa kasagsagan ng pandemya, ngunit sa bagong memorandum ay pinayagan na muli ang personal na transaksyon para sa mga kailangang dokumento.

Walang takot na inilabas ng LTFRB ang bagong memorandum sa kabila ng isinusulong ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na gawing digital na ang mga transaksyon sa pamahalaan upang maiwasan na ang korupsiyon.

Alam naman nating nasa panahon pa rin tayo ng pandemya ngunit tila hindi na takot ang LTFRB sa banta ng COVID-19.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page