ni Lolet Abania | June 15, 2022
Tuloy pa rin ang face-to-face classes para sa susunod na academic year kahit na ang alert status sa ilang mga lugar sa bansa ay itaas sa Alert Level 2, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.
“Doon sa protocol natin, safe pa rin ang face-to-face classes as long as Alert Level 1 and 2. ‘Pag tayo ay nag-Alert Level 3, automatic na sususpendihin natin ang ating in-person classes,” pahayag ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa isang radio interview.
Sa ngayon, ang National Capital Region (NCR) at marami pang lugar sa bansa ay isinailalim sa Alert Level 1 hanggang Hunyo 15.
Para sa “progressive expansion” phase ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan, ayon sa DepEd, dapat na ma-validate ang mga eskuwelahan bilang pagsunod sa standards ng School Safety Assessment Tool (SSAT) at matatagpuan ang mga ito sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2, base sa periodic risk assessment ng Department of Health (DOH).
Una nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na inaasahan ng DepEd na lahat ng paaralan sa bansa ay magsasagawa na ng face-to-face classes ng Hunyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Gayunman, binanggit ni Garma na ang opisyal na petsa ng pagpapatuloy o resumption ng face-to-face classes para sa susunod na school year ay iaanunsiyo pa ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. “Sa ating inilabas na pahayag, ang ating indicative phase na opening of schools ay August 24 pero hindi pa final date ‘yan,” saad ni Garma.
“Pero ‘yung mga private schools natin, pwede sila magbukas ng klase nang mas maaga doon sa takdang araw ng idedeklara ng ating Pangulo basta hindi ito mas maaga sa Hunyo at hindi magiging later than September,” dagdag ni Garma.
Sinabi naman ng opisyal na ang COVID-19 vaccination ay hindi required sa mga estudyante na lalahok sa in-person classes, subalit hinihikayat ang mga ito na magpabakuna.
Samantala, iginiit ni Garma na mga bakunadong mga guro lamang ang pinapayagan na magsagawa ng face-to-face classes, na may tinatayang 90% nila ay nakakumpleto na ng kanilang primary vaccine series.
Comments