ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 4, 2020
Ano ba ang mas importante, sabong o edukasyon? Hay nako, nakapagtataka kung bakit ba inunang payagang buksan ang mga sabungan kaysa eskuwelahan! Bakit nga ba?
Grabe to the max naman at lumalabas mas essential pa ngayon ang pagsusugal kaysa eskuwelahan, nako ha! ‘Wag ganyan. Eh, biruin n’yo naman — mas maraming COVID cases sa ibang bansa kesa ‘Pinas, pero bukas na ang mga eskuwelahan sa kanilang lugar.
Kung tutuusin, nakaka-8 weeks na ang mga modules sa online learning pero paulit-ulit pa rin ang problema. Bukod sa kakulangan ng modules, hirap ang mga magulang sa pagsagot sa mga aralin, hindi makadalo sa online classes dahil walang pang-load, mahina ang signal o wala talagang signal. Juskoday!
IMEEsolusyon natin d’yan ay buksan na ang face-to-face classes! Pero nililinaw natin, ha, hindi ito in general kundi roon lang sa mga eskuwelahang may kakayahang magpatupad ng health protocols kontra sa pagkalat ng COVID-19.
Bukod d’yan, gawin ang pagbubukas ng mga face-to-face classes sa mga lugar na wala nang naitatalang kaso o kakaunti na lang ang kaso ng virus. ‘Di ba?! Hindi natin sinasabing buong Pilipinas ito. Agree?
Kumpiyansa naman tayong istriktong masusunod ng mga eskuwelahan, guro at estudyante ang mga pagsusuot ng face mask at face shield, gayundin ang mga physical distancing sa mga silid-aralan, tamang paghuhugas ng mga kamay, bentilasyon, priority testing at tracing.
Naniniwala tayong mas safe ang mga titser sa mga paaralan, at ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga bata sa panahong may pandemya. Wala naman naitala o naipahayag, at ‘di rin napatunayang superspreader ng virus ang mga schools, ‘di ba?
Saka may psychological effect pa sa mga bata kapag online lang nag-aaral. Meron pang napaulat na nag-suicide raw? Iba lang talaga ang face to-face interaction ng mga estudyante. Kaya wish nating i-consider ito ng DepEd at ng IATF. Plis lang!
Comments