ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 31, 2021
Mahalagang mabakunahan na ang mga menor-de-edad, lalo na ang mga may edad 12 hanggang 17, upang iangat ang kumpiyansa ng mga magulang sa kaligtasan ng muling pagbubukas ng mga paaralan.
Ayon sa Pulse Asia survey, na kinomisyon ng inyong lingkod, ang kasalukuyang panganib sa pagpunta sa mga paaralan ang pangunahing dahilan ng mga magulang at guardian sa kanilang hindi pagsang-ayon sa face-to-face classes. Isinagawa ang naturang survey noong Hunyo 7 hanggang 16, kung saan may mahigit isang libo ang lumahok.
Pumalo sa 90% ng mga hindi sumasang-ayon sa pagkakaroon ng face-to-face classes ang nagsabing masyado pang mapanganib ang pagbalik sa mga paaralan dahil sa pandemya. Ang kawalan ng mga bakuna ay isa ring dahilan. Samantala, 14% lamang sa mga hindi sumasang-ayon sa face-to-face classes ang nagsabing maayos ang mga modules na ibinibigay sa mga mag-aaral.
Sa buong bansa, 44% ng mga survey respondents ang sumasang-ayon sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes, habang 33% ang hindi sigurado, at 23% ang hindi sumasang-ayon. Mas marami naman sa Class D (44%) at Class E (49%) ang sumasang-ayon sa pagkakaroon ng face-to-face classes kung ihahambing sa Class ABC na merong 53%.
At bagama’t, balak ng pamahalaan na simulan ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad sa Setyembre o Oktubre, muli nating binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na pagpaplano. Dapat kabilang sa planong ito ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), ang National Task Force (NTF) Against COVID-19, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang Department of Interior and Local Government (DILG), at ang mga local government units (LGUs).
Kailangang magkaroon ng risk-based assessment sa pagpili ng mga pilot sites ng limited face-to-face classes — bagay na kakailanganin pa rin ng pag-apruba ng Pangulo. Bukod dito, dapat ding bigyang-prayoridad ang mga lugar na walang internet at kung saan maraming nangangailangang mga mag-aaral.
Bagama’t hangad nating makabalik na ang kabataan sa kanilang paaralan, prayoridad pa rin natin ang kanilang kaligtasan. Kaya naman, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay isinusulong natin ang pagbabakuna ng mga mag-aaral at kung sakaling maaprubahan na ang pagkakaroon ng face-to-face classes, sisimulan natin ito sa mga lugar na mababa o walang kaso ng COVID-19.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments