ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 9, 2022
Upang lalong makabangon ang sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, labis ang ating panawagan bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ibalik na ang face-to-face classes sa susunod na academic year.
Bagama’t ang pagbabalik ng face-to-face classes ang isa sa mga unang hakbang, nais nating bigyang diin ang pangangailangan para sa malawakang programa para sa learning recovery, lalo na’t ang kawalan ng face-to-face classes sa loob ng dalawang taon ay nagdulot ng learning loss o pag-urong ng kaalaman. Kung matatandaan natin, may pagtayang ginawa ang National Economic and Development Authority o NEDA na aabot sa P22 trilyon ang mawawala sa bansa dahil sa productivity losses dahil sa kawalan ng face-to-face classes sa loob ng dalawang taon.
Bahagi ng panukalang learning recovery program ng inyong lingkod ang mga sistematikong tutorial sessions para sa mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin. Saklaw ng panukalang programa ang “most essential learning competencies” sa ilalim ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10 at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. “Literacy at numeracy competencies” naman ang tututukan sa mga mag-aaral sa Kindergarten upang mahasa ang kanilang mga foundational competencies.
Ayon sa Department of Education o DepEd, mayroong 34,238 na mga paaralan na ang nominado para sa face-to-face classes at 1,174 dito ay mga pribadong paaralan. May higit 33,000 o 73.28 porsiyento ng mga pampublikong paaralan ang nagsasagawa na ng face-to-face classes.
Sa pagbubukas ng 19th Congress, maghahain tayo ng mga panukalang batas upang iangat ang kalidad ng edukasyon at paigtingin ang pagbangon ng sektor mula sa pinsala ng pandemya.
Matapos ang halos dalawang taon ng pagtugon natin sa mga hamon ng pandemya, napapanahon nang buksan natin ang lahat ng mga paaralan upang makabalik na ang mga mag-aaral. Habang patuloy ang pagbangon ng iba’t ibang sektor, dapat nating tiyaking hindi mapag-iiwanan ang sektor ng edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments