ni Jasmin Joy Evangelista | August 30, 2021
‘Missed opportunity’ umano para kay Vice- President Leni Robredo ang isa’t kalahating taon na hindi man lang nakapag-face-to-face classes sa mga lugar na may low risk COVID-19 dahil maraming mga estudyante ang hirap sa distance learning.
Nanghihinayang umano siya dahil hindi ito nagawa bago pa kumalat ang nakahahawang Delta variant.
"Sa akin, 'yung nakalipas na isa't kalahating taon, 'missed opportunity' iyon. Noong wala pang Delta variant, sobrang daming [local government units] all over the Philippines 'yung wala namang cases," sabi ni Robredo sa kanyang radio show ngayong Linggo.
Noong nakaraang taon ay nagtayo ang Office of the Vice- President ng mga community learning hub sa 58 lugar, kung saan maaaring matulungan ang mga estudyanteng walang gadgets at hirap sa pag-aaral gamit ang printed modules.
Magsasagawa sana ang Department of Education ng dry run ng limitadong face-to-face class sa ilang low-risk area nitong taon pero kinansela ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi raw siya papayag sa face-to-face classes hangga't hindi nakakamit ng bansa ang herd immunity.
"Dapat ipakita nila (DepEd) na not 'one size fits all.' Parang resigned na tayo. 'Di natin naiisip ang mga bata," dagdag ni Robredo.
Distance learning pa rin ang paraan ng pagkatuto sa muling pagsisimula ng school year sa mga pampublikong paaralan sa darating na Setyembre 13.
Comentários