ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 27, 2021
Dahil sa pananatili ng banta ng COVID-19 at patuloy na pagkaantala ng pagdating sa Pilipinas ng mga bakuna kontra rito, nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muli ang pilot implementation ng face-to-face classes sa bansa.
Nagpahayag naman ng suporta ang Department of Education (DepEd) sa naging desisyon ng Pangulo at sinabing nauunawaan nilang mahalagang mabigyan muna ng bakuna ang mamamayan laban sa virus bago ibalik ang face-to-face classes.
Dagdag pa ng kagawaran, habang hinihintay ang tamang pagkakataon sa muling pagpapabalik sa mga eskuwela sa paaralan ay ipagpapatuloy muna nila ang paghahanda ng action plans para rito.
Matatandaang, unang sinabi ng Malacañang na hindi sinang-ayunan ng Pangulo ang planong pagpapapatuloy ng face-to-face classes dahil sa banta ng COVID-19, ngunit pagdating ng Agosto, ikokonsidera ang physical classes sa mga low-risk areas.
Siguro naman, malinaw nang wala pa talagang face-to-face classes. Kaya ngayon, patuloy muna nating tutukan ang ilang problemang kinakaharap ng mga guro at mag-aaral sa distance learning.
Kamakailan kasi, lumabas sa isang survey na nawawalan na ng gana ang mga mag-aaral, idagdag pa rito na duda ang mga guro kung talagang may natutunan ang mga bata.
Habang may panahon pa bago pagdesisyunan ulit kung aarangkada ang face-to-face classes, pokus muna tayo sa mas mahahalagang bagay. Kumbaga, rito muna tayo sa reyalidad at saka na natin problemahin ang pagbabalik-eskuwela ‘pag bumuti na ang sitwasyon ng ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments